PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Ramirez nasa PSC pa rin hangga't walang kapalit

Sa kabila ng inaasahan niyang pag-alis sa posisyon, tuloy pa rin ang panunungkulan ni William “Butch” Ramirez bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) hanggat wala pang formal announcement ang Malacañang.

Sinabi kahapon ni Ramirez na bago pa man tanggapin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang courtesy resignation ay may plano na siyang bumalik sa Davao City.

“I’m focusing on the Sports for Peace program for Mindanao,” ani Ramirez. “So hindi pa rin naman ako mawawala sa sports. I will be a very busy man in Davao as well as in Mindanao. Nangangailangan na rin naman ‘yung aking siyudad na Davao and Mayor (Rodrigo) Duterte needs me.”

Pumasok ang 58-anyos na si Ramirez sa sports commission noong 1998 bilang Commissioner at naging OIC (Officer-in-Charge) noong 2005 kasunod ang pagkakaluklok bilang chairman kapalit ni dating national swimmer Eric Buhain.

Sa ilalim ng liderato ni Ramirez, nakuha ng bansa ang kauna-unahang overall championship ng Southeast Asian Games noong 2005 maliban sa magandang kampanya ng mga atleta sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar mula sa naiuwing 4 gold, 6 silver at 9 bronze medals.

Si dating Amateur Softball Association of the Philippines (ASA-PHIL) president at Manila Rep. Harry Angping ang sinasabing sasapo sa maiiwang puwesto ni Ramirez sa komisyon.

“It’s a matter of time. That’s why I have accepted the job of being the vice-chairman of the Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) under chairman Manny V. Pangilinan,” ani Ramirez. “Hindi pa rin naman ako mawawala talaga sa sports.”

Si Angping ang naging chief campaigner ni shooting association president Art Macapagal, ang half-brother ni Pangulong Arroyo, sa nakaraang presidential election ng Philippine Olympic Committee (POC) noong Nobyembre 28.

Sa nakuhang 21-19 boto, muling nakakuha si Jose “Peping” Cojuangco ng equestrian federation ng panibagong four-year term bilang pangulo ng POC. (Russell Cadayona) 

  • Follow Us: