PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Nagbalik ang kumpiyansa ng Beermen

Walang dudang unti-unti nang bumabalik ang pamatay na porma ng San Miguel.

Matapos patalsikin ang Coca-Cola Tigers, 99-89, tinalo naman ng Beermen ang Air21 Express, 105-86, sa kanilang ‘sudden death’ match sa wildcard phase para makasagupa ang Ginebra Gin Kings sa quarterfinal series ng 2008-2009 PBA Philippine Cup.

“Nagkakumpiyansa sila and I think they are getting their confidence,” wika kahapon ni Ginebra coach Jong Uichico sa San Miguel ni Siot Tanquingcen. “Intially, they have not been playing very well but I think they have found the right way to play after this wildcard phase. So tingnan natin sa Wednesday.”

Maghaharap ang Gin Kings at ang Beermen bukas sa Game 1 ng kanilang best-of-three quarterfinals series sa ganap na alas-7:30 ng gabi matapos ang pagtatagpo ng nagdedepensang Sta. Lucia Realtors at Rain or Shine Elasto Painters sa alas-5 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Ang mananalo sa serye ng Ginebra at San Miguel sasagupa sa Talk ‘N Text sa best-of-seven semifinals wars, samantalang haharap naman sa Alaska ang mananalo sa upakan ng Sta. Lucia at Rain or Shine.

Para talunin ang Express at maitakda ang kanilang quarterfinals showdown ng Gin Kings, sinandigan ng Beermen sina Lordy Tugade, Dondon Hontiveros, Jay Washington, ang nagbabalik na si Danny Seigle, Dorian Peña at rookie guard Bonbon Custodio.

“Kahit na sinong makalaban namin dun sa dalawa talagang mapapakamot kami ng ulo eh,” wika ni Uichico sa San Miguel at Air21. “Lalo na ‘yung San Miguel kasi talagang wala silang butas sa team nila eh. May shooter, may depensa, may malaki, may maliit. So talagang problema sa amin ‘yon.”

Pinayukod na ng Beermen ang Gin Kings sa first round, 118-89, noong Oktubre 22 bago nakaresbak ang huli sa second round via 87-82 victory noong Disyembre 20 sa Batangas City.

“I haven’t really thought that pa but since we got into the wildcard, ‘yung hirap na pinagdaanan namin will toughen us up,” sabi ni Tanquingcen sa kanilang banggaan ng tropa ni Uichico. (Russell Cadayona)

  • Follow Us: