PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Aces sinorpresa ng Realtors

Pinagana ng Sta. Lucia ang kanilang depensa upang makabangon mula sa 13-point deficit at pinigilan nilang makabawi ang Alaska sa final canto tungo sa kanilang 92-80 panalo sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na dumako sa Ynares Center sa Antipolo City kagabi.

Nagbida si Norman Gonzales na tumapos ng 19-puntos, sa pagbangon ng Realtors mula sa 51-64 deficit sa kaagahan ng ikatlong quarter at iposte ang 16-puntos na kalamangan sa ikaapat na quarter matapos ang eksplosibong 34-6 atake.

Nakalayo ang Realtors dahil na rin sa kanilang paghihigpit ng depensa upang iposte ang 85-69 kalamangan sa ikaapat na quarter na sinikap na ibaba ng Aces sa pamamagitan ng 8-0 run para makalapit sa 78-85.

Ang 5-0 produksiyon ni Gonzales ang muling naglayo sa Sta. Lucia, 90-78 papasok sa huling tatlong minuto ng laro na kanilang inalagaan para sa kanilang ikapitong laro sa 13-games na nagbangon sa kanila sa dalawang sunod na talo. Sa likod ng ikaapat na talo ng Aces na may siyam na pa­nalo, nananatili silang ma­tatag sa pangkalahatang pamumuno.

Dadako ang aksiyon sa Tacloban City kung saan magsasagupa ang Air21 at ang Purefoods sa Tacloban Convention Center sa alas-5:00 ng hapon.

Hangad ng Express (6-6) na makabangon sa kanilang 105-108 pagkatalo sa overtime laban sa TJ Giants (6-7) sa kanilang unang pagkikita.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pang naglalaban ang Rain Or Shine (6-6) at ang kulelat na Red Bull (3-8) na hangad makabangon sa limang sunod na talo.

  • Follow Us: