PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Port Masters, Comets kakatok uli sa semis

Makaraang mabigo sa kanilang pagpasok sa semifinal round, muling susubukan ng Harbour Centre at Mail & More na manalo sa kani-kanilang karibal sa quarterfinal round ng 2007 PBL Silver Cup.


"Obviously, disappointed kami dahil hindi nga kami nakapasok agad sa semifinals. But we hope to win against Cebuana Lhuillier in the quarters," sabi ni coach Jorge Gallent sa pagsagupa ng kanyang Port Masters sa Cebuana Lhuillier ni Luigi Trillo ngayong alas-2 ng hapon sa 2007 PBL Silver Cup sa Olivarez Sports Center sa Parañaque. 


Maghaharap naman ang Comets ni Lawrence Chongson at ang Sista Super Sealers ni Caloy Garcia sa alas-4 para sa ikalawang laro. 


Parehong nabiyayaan ng ‘twice-to-beat’ privilege ang Harbour Centre at ang Mail & More matapos makuha ang No. 3 at No. 4 seat buhat sa kanilang kabiguan sa kani-kanilang playoff games para sa dalawang outright semis berth. 


Nabigo ang Port Masters sa Toyota Otis Sparks, 67-73, samantalang natalo naman ang Comets sa Hapee-PCU Teethmasters, 80-91, noong Sabado.


Upang muling makatagpo ang Sparks ni Louie Alas at ang Teethmasters ni Jun Noel sa semis, isang panalo lamang ang kailangan ng Port Masters at ng Comets kontra sa Moneymen at Super Sealers. 


"Siguro we cannot afford to lose this game this time. Kailangan pukpok ang gawin namin in both ends," wika ni Chongson, naghatid sa Mail & More sa isang six-game winning streak bago napigilan ng Toyota Otis sa pagpinid ng classification phase.


Naiayos ng Cebuana Lhuillier at Sista ang kanilang quarterfinals games laban sa Harbour Centre at Mail & More matapos talunin ang TeleTech, 81-72, at ang Magnolia, 66-61, ayon sa pagkakasunod. (RCadayona)

  • Follow Us: