^

PSN Palaro

Soccer, nagsimula sa Asya

GAME NA! - Bill Velasco -
World Cup na naman, at isang buwan tayong mapupuyat habang sinusubaybayan ang pinakamalaking sports event sa buong mundo. Tanggap na natin na likas na malakas ang Germany at Brazil, na ilang beses nang nagwagi sa World Cup, pero alam niyo bang sa Asya nagsimula ang soccer?

 Noong mga panahon bago ipanganak si Kristo (o B.C. kung tawagin) ang larong soccer ay isang ehersisyo ng mga miltar, upang libangin ang mga kawal. Ayon sa Munich Ethnological Museum sa Germany, may tekstong Chinese mula 50 B.C. na may binabanggit na larong kahalintulad ng soccer, na gumagamit ng bola na puno ng buhok. Sa isang military manual mula sa Han Dynasty ay may isinasalarawang laro na "Tsu’Chu", kung saan kailangang sipain ang bola sa maliit na butas na mula 30 hanggang 40 cm lang ang lapad, sa isang net na nakapirmi sa kawayan. Sa isa pang nalathalang laro, ang paa, dibdib, balikat at likod ay puwedeng gamitin, subalit sabay na sasanggain ang mga atake ng kalaban. Hirap ‘no? Ang tawag naman ng mga mas kilalang Greek ay "episkyros", ang mga Romans, "Harpastum".

 Subalit walang makapagpaliwanag kung paano nakarating ang larong ito sa Europa.

 Saan daw nagmula ang pangalan ng larong soccer? Ayon sa ilang rekord, mga malikhaing kabataan ang may pakana noong 1880’s. Sa England, ang dikta ng slang noong araw ay dagdagan ng kathang "er" ang pinaikling bersyon ng ibang salita. Ang "breakfast" halimbawa, naging "brekkers". Sa mga panahong iyong, marami na rin ang nasusuya na sa rugby, dahil nagsasakitan lang ang mga player.

 Isang mag-aaral, na ayon sa ibang aklat ay si Charles Brown, ay tinanong kung naglalaro siya ng "ruggers" o rugby. Ang sagot niya, "No, soccer." Kinuha nila ang gitna ng salitang "association" (dahil association football ang pangalan ng laro), at ginawan ng slang.

 Siyempre, pag likha ng bata, ang tingin ng matanda ay pagrerebelde. Sing-aga ng taong 1314, ipinagbawal ng Lord Mayor ng London ang paglalaro ng soccer, dahil daw masyadong pinagkakaguluhan ito ng mga tao. Sabi naman ni King Edward, wala na ngang silbi ang laro, malaswa pa at bulgar. Ipinakulong niya ang sinumang naglalaro nito. Gumaya din ang Scotland at France, pero walang bisa ang kanilang mga batas. Tuloy na lumaganap ang football. 

Tuluyan nang pumutok ang soccer nang pasukin ito ng mga unibersidad. Noong 1863, pormal nang humiwalay ang soccer sa rugby, at ginawang iisa ang laki at bigat ng bola. Ayaw ng mga soccer player ang pagbubuhat ng bola na ginagawa sa rugby kaya’t kumalas na sila. Ayaw din nila ng sipaan at patiran na di mawalawala sa rugby.

 England ang nagsimula ng kaunaunahang football association, na sinundan naman ng Scotland at France. Sa mga unang taong ng FIFA, 21 lamang ang mga miyembro nito, noong 1925, naging 36. Ngayon, 204 na ang kasapi.

 Ngayon, puntahan naman natin ang hari ng World Cup, ang Brazil. Baka magulat kayong malaman na halos isang daang taon pa lamang nilang nilalaro ang soccer, di tulad ng mga bansa sa Europe. Subalit, limang beses na nilang nakopo ang World Cup.

 Parang basketball, na dinala sa Pilipinas ng mga dayuhan, ang soccer ay dinala sa Brazil ni Charles Miller, anak ng isang Scottish banker. Pinanganak siya sa Brazil, subalit pinabalik sa England para pormal na mag-aral. Dito niya nahiligan ang soccer, na nilalaro sa mga malaking paaralan sa England. Noong 1894, bumalik siya sa Brazil na may baong dalawang bola.

 Nabigla siya nang malaman niyang walang naglalaro ng soccer sa Brazil, kahit ang mga kababayan niyang nagbaon ng lahat ng aspeto ng buhay nila sa pinagmulang bansa. Inorganisa ni Miller ang mga British companies doon na magtatag ng mga football team.

Namatay si Miller noong 1953, limang taon bago nakuha ng Brazil ang una nitong World Cup. Hindi niya nakita ang pagsakop nito sa buong mundo. Subalit utang na loob ng buong mundo ang kanyang binaong laro.

vuukle comment

AYAW

AYON

BRAZIL

NOONG

SOCCER

SUBALIT

WORLD CUP

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with