PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

'Si tita at ang mag-jowa'

TATLONG taon na silang mag-jowa (salitang galing na rin sa kanila). Pareho silang nagtatrabaho para sa kanilang mga plano sa kinabukasan. Walang duda ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa. Isang bagay din ang sigurado… ayaw nilang magkahiwalay.

Ang babae ay si Justine Tellie Awayan, 25 taong gulang. Ang lalake naman ay si Fredenie “Fred” Daclan, 28 anyos . Reklamo nila ang pangarap nilang makapag-abroad naudlot dahil sa panloloko ng isang ginang na hindi iba sa kanila. Si Elsa Vente, sariling tiyahin ni Justine at dalawa pang kasama nito na sina Connie dela Cruz at Julie Lachica.

Tatlong magkakapatid sina Justine. Isama pa si Virgo Vente, asawa ni Elsa. adopted child ng kanilang ama.

“Bata pa lang si kuya Virgo si Papa na ang nagpalaki sa kanya kaya kapatid na ang turing namin sa isa’t isa,” kwento ni Justine.

Si Justine ay grumaduate sa Foundation University sa Dumaguete noong taong 2009. Tubong Misamis Occidental si Justine subalit sa Dumaguete siya nag-aral. Nakapasa si Justine sa nursing board exam kaya’t nakapagtrabaho siya agad sa Rural Health Center sa Misamis. Isang taon din siyang nurse dito.

Nobyembre 2010, nakatanggap siya ng magandang alok kay Elsa.        

“Justine, baka gusto mong mag-abroad? May kilala akong nagpapaalis ng mga Pinoy Nurses papuntang Iraq,” text ni Elsa sa kanya.

Ang kakilalang recruiter na tinutukoy ni Elsa ay sina Connie at Julie.

Halagang 1,000 US$ daw ang sweldo ni Justine sa Kur­distan, Iraq. Mas lalong naengganyo ang dalaga. Maliban sa mga nurses, kwento ni Elsa naghahanap din daw siya ng mga ‘waiters’.

Binalita ni Justine sa boyfriend na si Fred ang balak na pag-alis ng bansa.

“Sinabi ko rin kay Fred na naghahanap ng mga waiter si Elsa. Baka gusto niyang subukan,” sabi ni Justine.

Maliban sa malaking sahod din ang naghihintay kay Fred, halagang 600 US$ mas magandang magkasama silang magtatrabaho sa iisang bansa.

Nagdesisyon ang dalawa na pumunta na ng Iraq. Inayos nila Justine ang mga papeles na kakailanganin. Ang NBI clea­rance, certificate of employment at photo copy ng kanilang birth certificates.                  

Maliban sa mga dokumentong ito, nag-training din sa pagwi-waiter si Fred.

“Hindi naman kasi siya waiter. Seaman siya kaya nagsanay pa siya,” kwento ni Justine.

Disyembre 2010, lumuwas ng Maynila sina Justine para katagpuin si Elsa at ibigay din ang paunang bayad. Dito nila nakita si Connie na siya umanong tumanggap ng halagang Php40,000. Gagamitin daw ito sa paglalakad ng ‘working visa’ nilang dalawa.

Dalawang linggong nanatili sa Makati sa bahay ni Elsa sina Justine. Enero 2011 kinailangang bumalik ng dalawa sa probinsya para kumuha ulit ng pera. Gagamitin naman daw ito para sa ‘processing fee’ sa Philippine Overseas and Employment Administration (POEA).

Humingi ng pera si Justine sa kanyang mga magulang habang inutang naman ni Fred ang binayad sa Lending. Tumanggap daw ulit ng Php40,000 sina Connie.

Nangako sina Elsa na makakaalis ng bansa sina Justine sa buwan ng Pebrero 2011. Naghintay sila sa probinsya. Lumagpas na ang buwan ng Pebrero wala pa ding balita. Naisipan na nilang lumuwas ulit ng Maynila at dun na lang maghintay.

Ika-2 ng Marso, nagbayad muli ng halagang Php45,000 si Fred at Php25,000 naman si Justine. Para na daw ito sa kanilang plane tickets.

Dumating ang takdang araw ng pag-alis ni Justine. Ika-9 ng Mayo 2011… nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na siya at ng kasamang si Gina pupunta rin ng Kurdistan. Pinatawag sila ng immigration officer. Unang ininterview itong si Gina. Sumunod namang pinaupo si Justine.

Tinignan ang kanyang passport at ang hotel na kanilang pagtutuluyan. Nanlaki ang mata ng immigration officer. Tinitigan niya si Justine at sinabihan niya ito, “Oh… iisa ang hotel na pagtutuluyan ninyo… Aba! pareho kayong padala ng illegal recruiter nung nauna sa’yong babae. Hindi ko kayo papayagang umalis. Sundan mo yung kasamahan mo!”

Agad kinumpronta ni Justine si Elsa. “Anong nangyari? Napahiya lang ako sa airport…”

Nangako naman si Elsa na aasikasuhin ang kanyang papeles at siguradong next week makakaalis na siya ng bansa.

Buwan na ng Hulyo wala pa ring nangyayari. Maging ang pag-alis ni Fred bilang waiter. Nagdesisyon na silang i-withdraw ang kanilang application.

Binalik nila Elsa ang halagang Php10,000 piso nila Justine at Fred. Ang ibang ibinayad naman nila hindi pa naibabalik.

“Minsan nagbibigay sila ng Php1,000 kada-linggo o Php500 minsan wala,” kwento ni Justine.

Sa ngayon puro pangako raw sina Elsa na maglo-loan siya para maibalik ang perang ibinigay nila Justine pero wala pa rin daw nangyayari kaya’t nagsadya na siya sa aming tanggapan.

“Sinisisi pa nila kami. Kung tinuloy daw namin ang application tiyak nakaalis na daw kami dapat. Tama ba naman yun e immigration na nga ang nagsabing illegal ang ginawa nila. Niloko nila ako… tiyahin pa naman na ang turing ko sa kanya,” huling sabi ni Elsa.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Justine.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag pera agad ang hiningi ng isang recruiter o recruitment agency…magduda ka na dahil siguradong may racket diyan. Sobrang dami na ng ating mga kababayan ang naloko dahil hindi nag-ingat sa pagmamadaling makapagtrabaho sa ibang bansa.

Hindi naman nagkukulang ang ating gobyerno sa pagpapaalala. Tulad ng POEA na mag-ingat sa pag-aapply ng trabaho sa abroad. Kumpleto naman tayo sa batas subalit madaling nakakaligtas ang mga ito dahil sa tuwing magrereklamo inaareglo nila agad ito para hindi na umabot sa Korte. Ang talagang kulang ay ang determinasyon ng mga biktima na mapakulong ang mga taong ito.

Bilang tulong inirefer namin sina Justine kay Atty. Orlando Dizon sa tanggapan ni POEA Administrator Carlos S. Cao Jr. Si Atty. Dizon ang ‘special assistant’ na inatasan para tulungan ang mga biktima ng illegal recruitment. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari kayong magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

  • Follow Us: