^

PSN Opinyon

Walang sinusunod na batas-trapiko ang 'kuliglig'

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -

KAHAPON nagkabuhol-buhol ang trapiko sa kahabaan ng Taft Avenue, Ermita. Manila matapos na magsagawa ng kilos protesta ang daan-daang pampasaherong pedicab at kuliglig ng tuluyan na silang walisin sa mga lansangan. Nagtungo ang mga ito sa harapan ng Supreme Court upang humingi ng Temporary Res­traing Order (TRO) hinggil sa City Ordinance  na ipinatutupad ng Manila City Hall Administration. Hindi lamang sa Ermita nagkaroon ng pagtitipon ang mga pedicab at kuliglig driver  dahil ang mala-king bilang ng mga nagpu-protesta ay nagtipon-tipon sa harap ng Philippine Postal Office sa may Lawton, Recto, Quiapo at Tondo at sabay-sabay na nagtungo sa harap ng Manila City Hall na naging dahilan para magbara ang kalsada.

Iisa  ang kanilang kahilingan, mabigyan lamang sila ng pagkakataon na makapamasada sa mga lansangan upang ma­itawid sa gutom ang kanilang pamilya. Indikasyon ito na damang-dama ng ilan nating kababayan ang kahirapan. Subalit sino ba ang dapat sisihin sa naging kapalaran ng mga pedicab at kuliglig drayber? Gayong inirereklamo sila ng mga motorista dahil na rin sa pagi-ging balasubas nila sa lansangan. Wala silang sinusunod na batas trapiko kung kaya sila ang nagiging sanhi nang pagkabuhol-buhol ng daloy ng mga sasakyan. Ang pagiging arogante nila ang naging batayan kung bakit sila winalis sa mga lansangan. Di ba mga suki?

Ngunit may pagkukulang din ang mga opisyales ng pamahalaan ng lungsod, dahil kung naging maagap lamang sila na-iregulate ang mga ito noon pa, marahil hindi na ito humantong sa ganitong sitwasyon. Sa aking nakikita, kailangan lamang sa mga ito na mabigyan sila ng tamang ruta  at oras ng pagbibiyahe sa kalye upang hindi sila maging sagabal sa daloy ng trapiko. Obligahin silang irehistro ang kanilang mga sidecar at pakuhanin ng lisensiya ang mga drayber upang magkaroon ng responsibilidad sa kalye, sayang din ang malilikom na tax sa mga ito. Kung sabagay hindi natin masisi si Mayor Lim kung walisin man sila sa mga lansangan sa ngayon dahil ipinakita nila ang kanilang katigasan ng ulo.

Sa pagkakaalam ko, pinapayagan naman silang pumasada sa mga looban o secondary street ng lungsod subalit naging matigas lamang ang kanilang ulo kung kayat nadamay na ang lahat at na-walan sila ng pagkakitaan. Ayon kay Anacleto de Jesus ang founder /chairman ng Kuliglig ng Tondo at Kuliglig ng Maynila, organisado umano ang kanilang grupo  noon pa. Dahil ang original na kuliglig ay yaong mga walang bubong na sidecar na ang tanging pinagkikitaan ay ang pagkarga ng mga kalakal o paninda sa palengke sa hindi kayang pasukin ng mga sasakyan. Subalit dahil na rin sa pagtangkilik ng mga Manileños sa kakulangan ng masasakyan ay yumabong ito at kumalat sa mga lansangan kaya maging ang kanilang hanay ay nadamay. Naging pangunahing hanapbuhay na ito ng mga kapuspalad nating kababayan sa mga squaters area katulad ng Parola, Capulong, Baseco, Delpan at Divisoria sa Tondo. Maging itong Palanca, Evangelista at Raon  sa Quiapo, Paco ng Ermita, P. Ocampo at Singalong sa Malate at Sta. Ana ay naging sentro rin ng pedicab at kuliglig. Kaya umaapela sila kay Mayor Lim at sa Manileños na bigyan pa sila ng kaunting pagkakataon na makapaghanapbuhay. 

vuukle comment

CITY ORDINANCE

ERMITA

KANILANG

KULIGLIG

MANILA CITY HALL

MAYOR LIM

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with