Kanino ba namana ng mga Pinoy ang klase ng Undas?
Napag-uusapan ng mga Pinoy dito sa Amerika ang grabeng sitwasyon sa lahat ng mga memorial parks at sementeryo sa ating bansa tuwing dumarating ang Undas katulad ng katatapos lamang nitong Nobyembre 1. Sa Metro Manila, hindi magkamayaw ang libu-libong tao upang makadalaw sa kanilang mga mahal sa buhay na nahihimlay sa iba’t ibang libingan na kalimitan ay inaabot ng siyam-siyam upang makarating kung saan naroroon ang mga ito nang dahil sa heavy traffic o sa kapal ng tao na mga naglalakad.
Habang pinanonood sa TV coverages na galing sa Pilipinas, nagtatanungan ang mga Pil-Ams kung saan nagmula ang pag-uugali ng mga Pinoy na sabay-sabay na magtungo sa sementeryo at gawing parang fiesta ang disin sanang matahimik na pagdalaw sa kanilang mga mahal sa buhay na yumao na. Sa halip na pagdarasal, karamihan ay naglalaro ng baraha, nagkakainan, nagsasayawan, nagkakantahan sa saliw ng malalakas na tugtog sa kanilang mga karaoke system. Nagiging karnabal tuloy ang buong sementeryo.
Ang tanong: Saan o kanino ba nating mga Pinoy namana ang ganitong kaugalian. Napakasama nitong tradisyon na ito na hindi naman siguro natin ginaya sa mga Kastila, mga Intsik o sa mga Amerikano? Sa Amerika, inaala-ala nila ang kanilang mga patay tuwing memorial day, ang opisyal na araw upang maala-ala ang mga pumanaw na mahal sa buhay. Simple lamang at walang heavy traffic na patungong memorial parks sapagkat hindi nagkakasabay-sabay ang pagdalaw ng mga tao sa kanilang mahal sa buhay na hindi katulad sa ating bayan. Dito sa Amerika, nagdadala lamang sila ng bulaklak, pagkatapos ng pagdarasal at kaunting panahon ng pagmumuni-muni marahil, aalis na at tapos na ang pagdalaw. Ang iba naman ay nag-aalay na lamang ng pa-misa sa simbahan o pag-aalay ng mass card.
Ang laki ng nawawalang grasya sa ating mga kababayan at sa ating bayan sa kaugalian nating ito. Hindi lamang sa araw mismo ng Undas walang pasok ang mga trabahador sapagkat ilang araw pa lamang nito ay nagpupunta na kaagad sa kani-kanilang probinsiya ang mga ito. Sarado rin ang mga factory at mga opisina at mga tindahan. So, walang kita sa mga araw na nagbabakasyon ang mga empleyado. Hindi lang ito. Dahil sa dami ng tao, hindi maiiwasan na magkaroon ng away at kaguluhan kung kaya’t tuwing Undas mayroong mga nabibiktima ng karahasan.
Sa dami ng problemang kinakaharap ng administrasyon ni PNoy, maaaring hindi magiging kalabisan kung mapag-aaralan nina PNoy kung papaano mareresolba ang hindi magandang kaugalian ng mga Pinoy na ginagawa nila tuwing sumasapit ang Undas. Kung hindi mababago kaagad ang masamang tradisyong ito, baka pagsisihan pa natin ang maaaring mangyari kalaunan.
- Latest
- Trending