PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Responsable

MAIBA naman ang usapan, tutal Linggo naman. Magpa-hinga na muna tayo sa mga usapang gobyerno at pulitika. Pag-usapan naman natin ang responsibilidad. Nabanggit ko na may pamangkin akong nagtatrabaho na. Agad siyang nabiyayaan ng trabaho kahit katatapos pa lang ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Naniniwala ako na binigay ito sa kanya ng Maykapal, dahil mabait at masipag naman ang bata. At dahil nagtatrabaho na, may sahod na pinagkukuhanan ng sariling gastusin na, at hindi na umaasa sa kanyang mga magulang. Siya na ang susunod na henerasyon sa pamilya namin, at natutuwa naman ako sa kanyang pinatutunguhan.

Sa isang pagsasalo-salo naming magkapamilya, nagtanong siya sa akin ng mga tanong na hindi ka normal na naririnig sa mga pamangkin ko. Naalala ko lang na kaya ganun ang kanyang mga tanong ay dahil may trabaho na nga siya. Tinanong niya kung saan niya puwedeng ilagay ang mga maliit na naipon niya. May mga pumupunta raw kasi sa opisina nila na mga kompanyang insurance. Nagtanong din siya ukol sa mga time deposit ng mga banko. Nagtanong din siya ukol sa ating stock market dahil may kaibigan siyang naglagay ng pera doon at kumita na. Lumalakas nga ang stock market ngayon, dahil sa gumagandang ekonomiya. May dahilan kung bakit maganda ng stock market ngayon, pero wala munang usapang pulitika ha?

Doon ako natuwa. Karamihan kasi ng kabataan na nagkakaroon ng trabaho at sahod ay kung saan-saan na lang ginagastos. Mga hindi nila mabiling kagamitan noon, na kadalasan ay mga laruan at usong gamit katulad ng mga cell phone, laptop, stereo, at mamahaling damit at sapatos na kilalang tatak! Wala namang masama roon, kung gusto mong pakinabangan at ma-enjoy ang inyong pinaghirapang pera. Pero tandaan na dapat maging responsable rin, para sa kinabukasan. Mas maganda kapag may ipon na pera kapag tumanda na, kaysa ang kabaligtaran. Mag-enjoy na lang nang husto kapag nakaipon na, at hindi kapag nakuha pa lang ang una at mga susunod na sahod. Dito nagkakamali ang marami. Kahit sa pamilya ko ay may mga ganyang kuwento.

Ang pagiging responsable ay isang napakagandang asal. Ang paghanda sa kinabukasan at madalas nakakaligtaan ng kabataan. Kaya laking tuwa ko lang na ang susunod na henerasyon sa pamilya namin ay hindi kinakalimutan ito. Bagama’t nag-eenjoy rin siya kahit papaano, hindi niya nakakalimutan ang pagiging responsable. 

  • Follow Us: