PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Danger-in-waiting

MAY isang buwan na ring pinaiiral ang bagong loading and unloading system ng mga sasakyang pumapasok at lumalabas ng Davao International Airport dito sa Davao City. Naging mas nakadikit na ngayon sa main ter­minal building ang mga sasakyan na nagdadala ng mga pasahero sa departure area at mas malapit na rin ang mga sasakyang sumusundo, pati mga nakapilang taxi para sa mga dumarating sa arrival area.

Kung titingnan nga ay mas convenient ito sa mga pasahero dahil nga pagbaba nila ng sasakyan ay agad nasa bungad sila ng entrance ng main terminal building na kung nasaan ang mga check-in counters.

At sa paglabas naman ng arrival area ay nandiyan agad ang mga sasakyan na nag-aabang upang sumundo sa mga parating na pasahero.

Ngunit ang tanong ay kung ano ba dapat ang mas bibigyang halaga? Ang convenience ng mga pasahero o ang security measures na para naman din sa kapa­kanan ng mamamayan?

Nawala na nga iyong kaunting buffer zone na dapat nasa pagitan ng mga sasakyan at nang main terminal building. Ang buffer zone ang siyang nagsilibing space na nagpapalayo sa mga sasakyan at sa main terminal building.

Naging leksyon ang March 4, 2003 bombing na tumama sa waiting shed sa labas ng old terminal building na kung saan 21 ang namatay at 145 pang iba ang sugatan nang pumutok ang bomba. Napakalapit ng waiting shed na iyon sa terminal building ng lumang airport.

Kaya nga pinagdesisyonan noon ng mga security officials nang binuksan ang bagong airport noong December 2003 na ilayo ang mga sasakyan sa main terminal building dahil nga ayaw nang maulit ang nasabing airport bombing. As much as possible talagang ilayo ang mga sasakyan sa main terminal building upang maiwasan ang posibleng car-bombing incidents.

Ginawa ang meet and greet area na malayo sa main terminal building. At doon na malapit sa main parking area naghihintay ang mga sumusundo at humahatid.

Ayon sa mga security officials sa Davao airport, sadyang binago ang sistema na kung saan pinapatupad ang ‘disembark and go’ para sa mga sasakyang nagdadala ng pasahero para raw maibsan ang traffic sa airport.

Ang bagong system dito sa Davao Airport ay sinasabing patterned daw after the Cebu and Manila airports. Ngunit sana naisip ng mga security officials ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na iba ang disenyo ng main terminal building ng Davao airport dahil nga ang check-in counters ay malapit masyado sa main entrance nito.

At gaano ba kasigurado ang ating mga opisyales na talagang ipapatupad ng ating mga airport security personnel ang ‘disembark and go’ system?

Mas maraming personnel ang kakailanganin upang ma­kasiguro na aalis agad ang mga sasakyang nag­ha­hatid ng pasahero.

Marami rin akong nakausap sa Davao Airport nitong huli kong biyahe tungkol nga sa bagong security measure na pinapaiiral. At lahat sila ay nilabas ang kanilang pangamba na ang Davao airport ay isa na namang danger-in-waiting bunsod ng nasabing ‘disembark and go’ system.

Buhay pa sa alaala ng mga taong nagtatrabaho sa Davao Airport at sa mga biktima nito ang 2003 bombing. At iyon ang ayaw nilang maulit muli.

  • Follow Us: