PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Pairalin ang delicadeza

BINABATI natin ang mga may delicadeza’ng appointees ni Presidente Arroyo na nagbitiw na sa tungkulin para bigyang laya si incoming President Benigno “Noynoy” Aquino na bumuo ng sariling gabinete.

Balita ko, may mga binigyan ng puwestong may ta-ning na panahong panunungkulan at anti-dated ang papeles para huwag lumabas na midnight appointment. Sakit ng ulo ni Noy iyan!

Buti na lang at si AFP Chief of Staff General Delfin Bangit ay hindi pa kumpirmado ng Commission on Appointments. Kung nagkataon, hindi siya basta-basta matitigpas ni Noy dahil may fixed term iyan. Kaya malayang nakapagsalita si Noy na hindi si Bangit ang gagawin niyang Chief of Staff ng AFP.

Masuwerte naman si PNP Chief Director General Jess Versoza dahil kahit nagbitiw sa puwesto ay tila pananatilihin pa o baka bigyan ng magandang posisyon ni Noy tulad ng Department of Interior and Local Government na tinatarget sana ni Vice President-elect Jojo Binay.

Maginoo namang tinanggap ni Bangit ang pahayag kamakailan ni Noy na hindi siya gagawing Chief of Staff ng AFP.

Pero hindi lang yata midnight appointments ang pro­blema kundi mga midnight transactions, o yung mga business deals na malamang tumiba ang mga nag-aproba ng kontrata. Iyan ang mga kasunduang dapat imbentaryuhin ng papasok ng administrasyon. Pero just the same, mala­king problema iyan kung papaano ibabasura nang hindi mahaharap sa usaping legal ang bagong administrasyon.

Dapat ngayon pa lang ay magpakita na ng pangil si Noy laban sa mga kurakot sa pamahalaan. Gawin niya ito sa pamamagitan ng leadership by example.

Nakalulungkot pero hindi nakapagpakita ng model­o’ng malinis na pamamahala ang nakaraang gobyerno kaya bababa ang Pangulong Arroyo na masama ang iniisip ng tao tungkol sa kanya.

  • Follow Us: