PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Marami pa rin ang hindi natuto sa paputok

AYON sa Department of Health (DOH) mababa ngayon ang mga nasugatan o nadisgrasya sa paputok kumpara noong nakaraang taon. Bumaba raw ng 15 percent ang bilang ng mga nasugatan. Sa pinakahuling report ng DOH, umaabot sa 597 ang nasugatan dahil sa paputok. At karamihan sa mga ito ay mga bata.

Pero kahit na ano pa ang sabihin ng DOH, o kahit na bumaba pa sa 500 ang nabiktima, lumalabas na mayroon pa ring nasugatan, nalagas ang mga daliri at mayroong nabulag. Nakita sa isang news report sa TV na isang bata ang umaaringking sa sakit dahil sa naputukan ang kanyang daliri. Sabi ng bata, pinulot lang daw niya ang mga paputok na inihagis at hindi nagsindi. Nang hawakan nila, pumutok. Akala raw nila kung ano lang ang putok, nang ting­nan ang mga daliri, sargo na ang dugo at kasunod ay ang panghahapdi. May mga tinamaan ng tumal­sik na mitsa ng kuwitis sa mata at mukha. Merong kuwitis na pumasok sa loob ng bahay at isang ba­tang babae ang tinamaan sa mukha. Sabi ng ina ng bata, nagulat na lamang siya nang makitang duguan ang kanyang anak. Hindi raw niya akalaing magiging biktima ang kanyang anak sapagkat pinagbawalan na niya itong lumabas sa kalye para makaiwas, yun pala kahit nasa loob ng bahay ay aabutin din ng malas dahil sa paputok. Hindi raw niya alam kung saan nanggaling ang kuwitis at kung sino ang nagsindi nito.

Marami pa rin ang hindi natuto kahit na alam nilang delikado ang magpaputok. Masasabing hindi naging epektibo ang babala ng DOH na nakahanda na ang kanilang lagari na pamputol sa bahagi ng katawan na mapuputukan. Sa totoo lang, tila pinagta­wanan lang ito ng mamamayan. Mas mainam sana kung ang naging mensahe ng DOH sa mga magpa­paputok ay yung titimo sa isipan at mare-realize na dapat nga palang pangalagaan ang katawan. Hindi dapat gumamit ng paputok para hindi maputulan ng daliri, mabulag at mawasak ang mukha.

Nagkulang din naman ang Philippine National Police (PNP) sa pagkumpiska sa mga illegal na pa­putok. Hinayaan na lamang na maibenta sa bang-ke­ta ang mga paputok na dineklarang bawal sa­pagkat delikadong makapaminsala.

Kailan nga kaya matututo ang mga Pinoy?

  • Follow Us: