PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Senglot na drayber dapat arestuhin

Napapansin n’yo ba na halos araw-araw ay may nangyayaring aksidente sa kalsada — motor­siklong bumaliktad at sumalpok, kotseng inararo ang mga nakaparadang sasakyan, mga bus na nawalan ng preno at bumangga sa kapwa sasak­yan, dyip na nahulog sa bangin at marami pang iba na pawang nagdulot ng kamatayan sa drayber mismo at mga pasahero.

At natuklasan ng mga awtoridad na ang dahilan ng mga aksidente ay dahil sa pagmamaneho ng lasing. Maraming buhay na ang nasayang dahil sa pagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak. Kadalasang ang malalagim na aksidente sa kalsada ay nangyayari ng madaling araw. Ayon sa report ng pulisya, karaniwang galing sa club ang mga drayber ng naaaksidenteng sasakyan. Langung-lango sa alak at saka pahaharurutin ang kanilang sasakyan. Idinadamay nila ang iba pang matitinong drayber.

Ang ganitong problema ang nakapagbigay ng alarma kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Roberto Rosales. Ipinag-utos niya sa limang Metro Manila police districts ang pag-aresto sa mga drayber na hinihinalang lasing para mabawasan ang nangyayaring malalagim na aksidente. Ito ay upang maipatupad ang kampanya ng pamahalaan sa road safety. Ayon kay Rosales, mahigpit na ipatutupad ang pag-aresto sa mga nagmamaneho nang lasing.

Para madaling matunton ang mga nagmama­neho nang lasing, unang babantayan ng mga pulis ang mga bahay-inuman o aliwan lalo sa gabi. Kadalasang dito nanggaling ang mga drayber na lango sa alak. Makikipag-ugnayan umano ang NCRPO sa DOTC, LTO at MMDA. Balak ding humi­ling ang NCRPO ng “breathalyzers” para ganap na matukoy ang mga senglot na drayber.

Napapanahon at nararapat ang balak ni Rosales. Sa dami ng mga drayber na walang disiplina at mas gustong nasa impluwensiya ng alak bago mag­maneho, dapat na nga silang kalusin ng NCRPO. Kapag naipatupad ito ni Rosales, tiyak na maba­bawasan na ang mga aksidente sa kalsada. Magi­ging magaan na pagbibiyahe sapagkat mawawalis na ang mga senglot na drayber sa kalsada.

  • Follow Us: