PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Ilang Pinay pa ang aabusuhin ng Kano?

UNANG sumigaw ng rape si Nicole. Nirape siya habang nasa van at tumatakbo sa loob ng Subic Bay Freeport noong November 1, 2006? Parang baboy siyang ibinagsak sa tabing kalsada na nakababa pa ang panty at naroon pa ang condom. Isang sunda­long Kano – si Lance Cpl. Daniel Smith lang ang napa­tuna­yang guilty pero sa halip na makulong sa National Bilibid Prisons (NBP) sa US Embassy siya kinupkop ng mga kababayan. Nakasaad kasi sa Visiting Forces Agreement (VFA) na ang sinumang sundalong makaga­wa ng kasalanan ay kukupkupin ng kanilang embahada.

Noong Huwebes, isang Pinay na naman na nag­pa­patago sa pangalang “Vanessa” ang luman­tad at isinalaysay ang panggagahasa sa kanya ng isang US marine. Nakilala umano ni Vanessa ang sundalo sa isang bar sa The Fort noong April 10, 2009. Hiningi ng Kano ang kanyang number at nagkita muli sila sa The Fort makaraan ang limang araw. Matagal silang nagkuwentuhan ng Kano. Noong April 18, habang nasa The Fort, nakatanggap siya ng text message mula sa Kano at kasunod noon ay naki-join na ito kina Vanessa. Kasama ni Vanessa sa table ang tatlo pang babae. Inimbitahan ng Kano si Vanessa sa isang hotel sa Makati. Pumayag si Vanessa at nagkuwentuhan sila roon. Nang ipasya ni Vanessa na umalis na sa tinutu­ luyang hotel ng Kano ay nagalit umano ito. Sinampal siya ng Kano. Ginahasa na siya. Nakalabas lamang umano sa kuwarto ng Kano si Vanessa nang magbanta siyang babasagin ang TV. Tinulungan si Vanessa ng hotel securities at nagsumbong siya sa mga pulis.

Pero kakaiba kay “Nicole”, sinabi ni Vanessa na hindi raw siya magdedemanda sa Kano. Kaya la­mang daw siya lumantad at sinalaysay ang nang­yaring panggagahasa ay para makapagbigay babala sa iba pang Pinay. Bahagi rin daw iyon ng kanyang “healing process”. Hindi siya magdedeman­da sapag­kat alam na raw niya kung paano tratuhin ng gobyer­no ang gani­tong kaso. Wala raw siyang tiwala sa justice system.

Dalawang Pinay na ang nagagahasa ng mga sun­dalong Kano at tiyak na meron pang susunod sa mga ito. Kawawang mga Pinay na nagiging “laruan” na lamang ng mga sundalong Kano. Kawawang mga Pinay na lagi na lamang object ng pagnanasa ng mga Kano.

Kakaiba ang pasya ni “Vanessa” at maganda rin namang pampamulat sa pamahalaan kaugnay sa nilalaman ng VFA. Dapat na ngang rebyuhin ang VFA sapagkat kawawa naman ang mga Pinay na abusuhin pa. Kahit anong gawing pagrereklamo ng inabusong Pinay, wala ring magagawa sapagkat nasa loob na ng palda ng Amerika ang mga sundalong umaabuso. Malakas ang kanilang loob na gumawa ng kalokohan sapagkat alam nilang may kukupkop sa kanila.

  • Follow Us: