PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Walang panahong maglibot sa nasasakupan si Parañaque Mayor Jun Bernabe

KUNG mayroon man dapat na sisisihin kung bakit maba­gal ang pag-angat ng pamumuhay ng taga-Parañaque City, walang iba kundi si Mayor Florencio “Jun” Bernabe mismo. Ito ang sumbong na nakarating sa akin. Ayon sa aking mga nakausap, walang panahon na maglibot si Bernabe sa kanyang nasasakupan kung kayat hindi      niya alam ang nagiging problema.

Ang pangunahing problema ng mga taga-Parañaque ay ang malahiganteng trapiko kaya mabagal ang pag­bibiyahe ng mga kalakal at pagpasok-pauwi ng mga manggagawa. Ito ang hindi napag-ukulan ng panahon ni Bernabe mula nang siya’y mahalal sa naturang siyudad.

Kaya naman mga suki, sa tuwing Sabado ay madaling araw ng nakakarating sa kani-kanilang mga tahanan ang mga kaawa-awa nating kababayan dahil sa sobrang trapik sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue. Mukhang mas binigyan pa ng prayoridad ni Bernabe ang paghambalang ng mga sasakyan ng kapanalig ni Bro. Mike Velarde ng El Shadai. Ito kaya ang alas ni Bernabe sa ikatlong termino niya sa pagka-mayor? Hehehe!

Ang ikalawang problema ng mga taga-Parañaque ay kung bakit pinapayagan niya umano na mamasada ng mga tricycle mula Tambo hanggang San Dionisio na kung tutuusin ay ito ang regular na daanan ng mga pampa­saherong jeepney. Sa halip umano na makatipid ng pa­ma­­ sahe ang kanyang mamamayan ay napipilitan na ang mga ito na magbayad ng dobleng pamasahe upang makauwi sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa sumbong ng aking mga kausap, itong kahabaan ng Quirino Avenue mula Tambo hanggang sa paanan ng tulay ng San Dionisio ay ginawang parking na lamang ng mga pribadong sasakyan kaya sarado trapik na ito, at oras na dumaan pa ang mga pampasaherong jeepney. Get mo Mayor Bernabe?

Kung sabagay tama ang mga ito sa kanilang reklamo dahil maging ako ay napipilitang sumakay ng dalawang beses upang makarating sa tanggapan ng Meralco sa tuwing magbabayad ng buwanang bills.

Ang pinaka-matinding problema na ipinarating sa akin ay ang pag-okupa ng mga sidewalk vendors sa kahabaan ng Redemptorist Road at ng Quirino Avenue sa Baclaran kung kayat napipilitang maglakad ng halos isang kilometro ang ating mga kababayan bago marating ang LRT station. Sa panahon kasi ngayon mga suki! Tanging LRT lamang ang kayang sakyan ng mga mahihirap nating kababayan upang makatipid at mapabilis ang kanilang byahe patungo sa kanilang pinapasukang trabaho.

At dahil sa kapabayaan ni Bernabe, kakapiranggot na oras na lamang ang itinutulog ng ilan nating kababayan. Aba Mayor Bernabe sir! Bakit hindi ka lumabas sa air­condition mong palasyo para makita ng iyong dala­wang mata ang paghihirap ng iyong mga mamamayan. Hehehe! Subukan mong magsunog ng balat sa paglilibot sa iyong kalupaan upang mapag-isipan mong mabuti ang nara­rapat na sulusyon sa problemang bumabalot sa iyong administrasyon.

Kung sabagay mga suki, bakit nga naman maghihirap pang magbilad sa arawan si Bernabe para libutin ang kanyang nasasakupan kung andiyan naman ang kanyang mga kamag-anakan na kumakatawan sa kanyang pa­mamalakad. Aba Mayor Bernabe Sir! May katotohanan kaya itong sumbong na nakarating sakin na halos ng mga maseselang puwesto riyan sa city hall ay okupado na ng iyong angkan? Nagtatanong lamang po, upang ang iyong kasagutan ay makararating sa mga taong labis na ang paghihirap sa iyong kawalang aksyon. Aba dapat lamang na kumilos ka sa madaling panahon at baka sa darating na 2010 eleksyon ay makalimutan kang isulat sa kani-lang balota. Abangan!

  • Follow Us: