Sinunod ang batas ukol sa lupa
KASO ito nina Gardo at Luisa. Ang lupang sangkot sa kaso ay ang lot number 5812 na may sukat na 4,014 metro kuwadrado. Orihinal itong pagmamay-ari ng lola ni Gardo na si Dora magmula pa noong 1930. Binabayaran taun-taon ang amilyar nito at ang pinakahuling binayaran ay noong 1963 (tax declaration no. 12371). Nasa kategorya ito ng mga lupang agrikultural dahil tinaniman ito ng palay ng ama ni Gardo na si Franco.
Noong 1965, ibinenta ni Dora ang lupa sa kapatid ni Gardo na si Gerry. Personal na nagtanim ng palay at niyog si Gerry. Dineklara rin ni Gerry at ng asawa niyang si Rina ang pagmamay-ari nila sa lupa sa ilalim ng tax declaration (TD) no. 1788 at binayaran ang amilyar hanggang 1994 (TD No. 011-00310).
Noong Disyembre 29, 1995, sina Gardo at Luisa naman ang bumili ng lupa mula sa mag-asawang Gerry at Rina sa pamamagitan ng isang “Kasulatan ng Bilihan”. Pagka tapos, si Gardo pa mismo ang nagtanim ng palay, kape at paminta sa lupa. Nalipat sa pangalan nila ang amilyar (TD no. 011-00474) at binayaran nila ang lahat ng amilyar ng lupa. Katibayan dito ay ang tax clearance na ibinigay ng ingat-yaman (treasurer) ng munisipyo.
Noong 1996, ibinenta ng mag-asawa ang lupa sa isang kompanya, ang ICTSI Warehousing Inc. Noong Abril 10, 1997, nagpetisyon ang kompanya sa korte upang mapatituluhan ang lupa sa pangalan nito. Nasa pangalan pa ng mag-asawa ang amilyar ng lupa at hindi pa naililipat sa pangalan ng kompanya dahil sa ilang teknikalidad. Upang matapos na ang usapin, binago muna ang aplikasyon at inilagay sa pangalan ng mag-asawa at pinalabas na sila pa rin ang aplikante.
Walang kumontra sa petisyon ng mag-asawa. Naglabas ng kautusan ang korte na nagsasaad na maliban sa OSG ay wala na itong kinikilalang ibang partido sa kaso. Sa panig naman ng OSG, kinontra nito ang petisyon dahil: 1.) Wala sa mag-asawa o kahit sa mga ninuno nila ang nakaposesyon sa lupa mula Hunyo 12, 1945, at 2.) Halatang bago pa lamang ang mga doku mentong isinumite ng mag-asawa, halimbawa ay ang amilyar. Ayon sa OSG, kulang ang katibayang ito upang mapatunayan ng mag-asawa na nakuha nila at nakaposesyon sila sa lupa.
Sa paglilitis, ang naging ebidensiya ng mag-asawa ay ang testimonya ni Gerry. Ayon sa testigo, 8 taong gulang pa lang siya ay pag-aari na ng lola nilang si Dora ang lupa noong 1930 pa. Ang tatay daw nila na si Franco ang nagtatanim sa lupa hanggang sa makuha ito ni Gerry noong 1965. Pagkatapos ay nalipat naman ito kay Gardo. Isinumite rin ang mga resibo ng amilyar mula 1930. Pati ang sertipikasyon mula sa DENR Forest Management Bureau at CENRO ay isinumite upang patunayan na maaaring idispatsa o ipamahagi ng gobyerno ang lupa.
Noong Hulyo 10, 2003, pinagbigyan ng korte ang petisyon ng mag-asawa na mapatituluhan ang lupa. Ang problema lamang, base sa mga sertipikasyon ng DENR at CENRO, may pagkakamali sa mga petsa kung kailan dineklara na maaari nang ipamahagi ng gobyerno ang lupa. Ayon sa DENR ay dineklara ito noong Marso 26, 1928. Ayon naman sa CENRO ay noong Disyembre 22, 1997 lamang. Dahil hindi nabanggit ito sa desisyon ng korte, inapela ito ng OSG sa CA. Ayon sa OSG, Disyembre 22, 1997 lamang pormal na dineklarang maaaring ipamahagi ang lupa.
Noon lamang nadiskubre ng mag-asawa ang problema. Pumunta sila sa CENRO upang alamin ang katotohanan ng sertipikasyon. Napag-alaman na nagkamali ang CENRO kaya’t upang itama ang lahat, gumawa ng panibagong sertipikasyon ang CENRO na may parehong petsa sa DENR. Ito ang ginamit na ebidensiya sa CA. Ngunit binalewala naman ito ng CA at dineklarang walang bisa ang desisyon ng korte dahil nauna muna ang aplikasyon ng mag-asawa kaysa sa deklarasyon ng gobyerno na maaari na ipamahagi ang lupa. Tama ba ang CA?
MALI. Ang tanging kailangan upang mapatituluhan ang lupa ay: 1.) Ang lupa ay parte ng kalakhan ng lupain ng gobyerno na idineklarang maaaaring ipamahagi sa mga tao; 2.) Ang aplikante o ang kanyang ninuno ang bukod-tangi at hayag o lantarang nakapuwesto sa lupa, at 3.) Ang posesyon niya sa lupa ay bilang may-ari magmula pa noong Hunyo 12, 1945 o mas una pa rito.
Sa kasong ito, hindi ti nanggap ng CA ang binagong sertipikasyon ng CENRO dahil ayon sa batas (Sec. 34, Rule 132 Rules of Court), hindi ito isinama bilang ebidensiya sa mababang hukuman. Sa kabila nito, ang pagtukoy sa tunay na petsa ng deklarasyon ng CENRO ay mahalaga sa kaso. Dapat isaalang-alang ang itinamang sertipikasyon ng CENRO sa interes ng hustisya. Ang prosesong ating sinusunod ay kasangkapan lamang upang masigurong mabibigyan ng hustisya ang lahat. Maaaring isantabi ito ng korte sa isang partikular na kaso. Kaawa-awa naman ang mag-asawa kung sila ang magdurusa sa pagkakamaling inaamin naman ng CENRO.
Ilang henerasyon na ng pamilya ni Gardo ang nagli nang sa lupa. Dineklara na rin ito bilang pagmamay-ari ng pamilya magmula pa noong 1930. Kahit hindi pa sapat na ebidensiya ang mga resibo at amilyar, katibayan pa rin ito sa kanilang karapatan. Ipinaki-kita nito na desidido silang makuha ang pagmamay-ari ng lupa. Walang tao na nasa tamang pag-iisip ang magtitiyagang gumastos sa pagbabayad ng amilyar para sa lupang hindi naman magiging kanya. Samakatuwid, nasumite at sinunod naman ng mag-asawa ang lahat ng dokumentong ipinag-uutos ng batas na may kinalaman sa pagpaparehistro o pagpapatitulo sa lupa. (Sps. Llanes vs. Republic, G.R. No. 177947, November 27, 2008).
- Latest
- Trending