PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Round 1

PAGKARAAN ng tatlong taon, dumalo rin si dating­ Agriculture undersecretary Jocelyn Bolante sa Senado para harapin ang “fertilizer fund scam”. Siya ang arkitekto ng P728-milyong halaga na nilihis umano para gamitin sa kampanya ni GMA noong 2004 presidential elections. Nang maka­balik sa bansa, tumuloy sa St. Luke’s dahil sa umano’y pani­nikip ng dibdib at kung anu-ano pang sakit. Lumipas ang 16 na araw, at walang nakitang sakit kay Bolante. Kaya sa wakas, naka­rating na sa Senado.

Nang mag-umpisa ang imbestigasyon, nagpa­hayag kaagad ito na wala siyang kasalanan. Ma­lu­manay ang boses na tila pari pa nga ang dating. Walang ipinakitang kaba o pag-aalangan sa kanyang mga sagot. Para sa isang tao na tumakbo para iwasan ang pag-iimbestiga ng Senado, handang-handa siya sa mga sagot. Nag­hugas din ng kamay nang itanong kung saan na­punta ang pera dahil hindi naman ito umabot sa mga magsa­sakang kinauukulan. Hindi na raw siya empleyado ng gobyerno noon kaya hindi na siya dapat ang ipitin! Hindi mahanapan ng butas ang mga salaysay niya, dahil doon, nagpahayag si Senator Enrile na walang lumabas na ebiden­siya na sangkot si Bo­lante sa anomalya ng abono at mga gamit agri­­kultura. At nagpa­hayag na walang kinala­man at hindi naki­na­bang si GMA sa scam.

Subalit hindi pa rin maisasantabi ang mga resulta ng imbesti­gas­yon ng Commission on Audit, sa napakamahal na abono. Hindi rin ma­isan­tabi ang patotoo na lumalabas sa isang supplier lang kinuha ang mga ito. Hindi rin ma­ba­le­wala na ilang taon din siyang umiwas ma­kauwi sa bansa. Hindi rin matanggap na kusa siyang dumalo sa Se­nado, dahil pinabalik siya ng mga Amerikano dito. At ang pinaka­ma­bigat na rebelasyon sa unang pagdinig ng fertilizer scam, ay kung ga­ano ka-makapang­ya­rihan si Bolante. Kahit na sinong se­nador ay nag­pahayag na kahit sila ay hindi ma­gagawa ang na­gawa ni Bolante. Kahit mga kaalyado pa ni GMA.

Lumalabas na pirma lang niya ang kinaila­ngan, para maapruba ang pondo para sa pro­yektong ito, at isang araw lang ang dumaan at nailabas na ang pera, ilang buwan bago mag-eleksiyon. Ito ang mag-iipit kay Bolante sa mga darating na pagdinig. Kung baga sa boksing, unang round ay muk­hang nakala­mang si Bolante. Maa­aring na­kapaghanda nang husto sa 16 na araw na nasa ospital. Pero hindi pa tapos ang labanan. Sa laki ng ano­malya, may mana­nagot sa iskan­ dalong ito.

  • Follow Us: