PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Campaign Matematiks

HINDI pa man nag-uumpisa ang official campaign period ay heto na’t pinupurga na tayo sa mga komersyal ‘‘SPOT’’ sa TV ng mga kakandidato. Hindi kagulat-gulat dahil, una sa lahat, alam natin na nagdi-disappear ang delikadeza sa mga panahong ito. Pangalawa, ayon naman sa batas ay hindi pa raw ito matatawag na pangangampanya. Tanging ang nakapag-file na ng kandidatura ang bawal mangampanya na mas maaga pa sa official period. Kaya sa ngayon ay sina Chiz Escudero at Koko Pimentel pa lang ang napapailalim sa campaign ban dahil sila pa lang ang deklaradong kandidato sa COMELEC.


Ang sinisingil ng TV station para sa mga SPOT ay nakapangingilabot. Ayon sa ulat, mahigit P330,000 ang highest rate sa bawat 30 segundo sa ‘‘primetime.’’ Sa 45 araw ng kampanya, mahina na ang 3 na SPOT kada-araw upang mapansin. Kaya P45 milyon sa TV pa lang at tipid na yun. Eh yung iba pang gastos sa media? Radio SPOT, Ad sa diyaryo, cable TV SPOT (sa probinsiya talo ng cable ang network TV) at maski SPOT sa sinehan kasali din. Aprubado na rin ng COMELEC pati kampanya sa text (piso kada-text) at sa Internet. Hindi biro ang gagastusin sa mga media na ito. Dito pa lang ay mararamdaman na ang lamang ng pera ng administrasyon. O, pustahan tayo. Itanong sa ABS-CBN at sa GMA kung meron nang nagreserba ng mga SPOT sa mga pinakamatataas na rating na show tulad ng Deal or No Deal o Bakekang. Siguradong nauna na ang administrasyon ticket sa halos lahat ng magandang slot.


Wala pa rito ang gagastusin sa campaign staff, polletos, komiks, sticker, streamer at poster, trompa, sahod ng mga organisasyon sa iba’t ibang probinsiya, mga request ng bo tante, transportation (mga sasakyan, air-line ticket, gasolina) at payola sa mga tri-media kung papatu-lan. Sa ibang survey group, kung hindi ka magbayad ay hindi ka isasali sa survey questionnaire. At ang pinakamalaking gastos? Ang proteksyon ng boto mula araw ng halalan hanggang matapos ang bilangan. Kung sinubaybayan ang mga tawag kay GARCI nung 2004 wire- tap, mauunawa- an ang matematiks ng gastos sa bilangan.


Ayon sa batas, ang maximum na gastos bawat kandidato ay P3.00-kada botante. Sa 48 milyong botante meron kang maximum na mga P145 million budget. Magkano ang sahod ng Senador? P36,000 per month.

  • Follow Us: