PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Leptospirosis

DAHIL maraming nasalanta ng baha at maraming napilitang lumusong sa maruming tubig, pag-usapan natin ang leptospirosis. Ang leptospirosis ay nakukuha kapag nakapitan ng mikrobyong leptospira kapag lumusong sa baha. Ang mikrobyo ay galing sa ihi ng daga na napakarami sa Metro Manila. Kapag bumaha, halo-halo na lahat ng klaseng basura, kasama na ang mga ihi ng daga. At kapag may nakalubog na bahagi ng katawan na may sugat, maaaring makapitan na ng mikrobyo.

Ang mga sintomas ng leptospirosis ay nagsisimula mula dalawa hanggang 20 araw matapos mahawaan ng mikrobyo. Biglaan ang sakit ng ulo, sakit ng katawan, ubo, mataas na lagnat, paninikip ng dibdib. Tila trangkaso ang mga sintomas. Pero may isang sintomas na magtuturo na leptospirosis na nga ang sakit. Ito ang pamumula ng puti ng mata. Kapag lumabas na ang sintomas na ito, matitiyak na ang leptospirosis.

Nagagamot ng antibiotic ang leptospirosis. Ang mahalaga ay malaman agad ang mga sintomas at magpatingin sa doktor para mapasuri ang dugo. Kaya kung napalusong sa baha, at lumabas ang mga nabanggit na sintomas sa loob ng isa o dalawang linggo, magpatingin kaagad sa doktor. Huwag subukang gamutin ang sarili, katulad ng ginagawa ng marami. Ang akala ay trangkaso lang kaya yung mga alam na gamot ang iinumin kaagad. Baka hindi mapansin yung mga ibang sintomas kung sakaling mabigyan ng pansamantalang ginhawa yung ininom na gamot para sa trangkaso. Mahalaga ay magpatingin kaagad sa doktor, para malaman kung leptospirosis na nga o hindi.

Tandaan, kung napalusong sa baha at nagkalagnat, sakit ng ulo o katawan sa loob ng isa o dalawang linggo, magpatingin na kaagad. Nagagamot ang leptospirosis, kaya hindi dapat mangamba. Ang mahalaga ay malaman kaagad sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo.

Mukhang hindi pa tayo tapos sa mga bagyo o habagat na magbubuhos ng matinding ulan sa bansa, kaya mahalaga ang kaalaman ukol sa sakit.

  • Follow Us: