Spurs sinamantala ang pagkawala ni James
SAN ANTONIO Kumalawit si Kawhi Leonard ng 25 points para tulungan ang Spurs na pabagsakin ang Cleveland Cavaliers, 103-74 para sa kanilang pang-limang sunod na arangkada.
Nagdagdag sina LaMarcus Aldridge at Pau Gasol ng tig-14 points para sa San Antonio.
Dalawang panalo ang agwat ng Spurs (57-16) sa Golden State para sa best record sa NBA bago ang kanilang pakikipagharap sa Warriors sa Miyerkules.
Nalasap naman ng Cleveland (47-26) ang kanilang ikalawang dikit na kabiguan at nagtala ng season low para sa points at nasa ilalim ng Boston (48-26) para sa top seed sa Eastern Conference playoffs.
Nagkaroon si Cavaliers star LeBron James ng injury sa dulo ng third quarter matapos masiko sa kanyang batok.
Naupo siya sa bench para tingnan ang kanyang kalagayan bago dinala sa kanilang locker room at hindi na bumalik sa laro.
Tumapos si James na may 17 points, 8 rebounds at 8 assists sa loob ng 29 minuto, habang hindi naman naglaro sina Kyle Korver (foot) at Iman Shumpert (knee) dahil sa injuries.
Sa Dallas, tumipa si Russell Westbrook ng isang pull-up jumper sa huling pitong segundo para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa pagbura sa 13-point deficit sa huling apat na minuto at balikan ang Mavericks, 92-91.
Nagtala si Westbrook ng 37 points, kasama ang 16 markers sa fourth quarter, bukod pa ang 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong sunod na triple-double at pang-37 ngayong season.
- Latest