Valdez ibabandera ang Creamline sa PVL
MANILA, Philippines - Sa pagbabalik-aksiyon ni three-time UAAP MVP Alyssa Valdez sa Pilipinas, panibagong koponan ang sasamahan nito--ang Creamline Cool Smashers sa 2017 Philippine V-League Reinforced Conference na magsisimula sa Abril.
Ito ang kinumpirma ni PVL Ricky Palou kung saan nakipagkita na ang pamunuan ng Creamline kay Valdez kasama ang iba pang miyembro ng koponan.
“Yes, the Creamline Cool Smashers will be one of our new teams in the PVL and Alyssa Valdez will play for them,” wika ni Palou.
Makakasama ni Valdez sa Cool Smashers sina dating Ateneo standout Aerieal Patnongon, Coleen Bravo at Jamela Suyat ng University of Perpetual Help System Dalta, Joyce Palad ng University of the Philippines, Francesca Racraquin ng San Beda College, Pau Soriano at Janet Serafica ng Adamson University at Ivy Remulla ng De La Salle University.
Inaasahang madaragdagan pa ang lineup ng Cool Smashers sa mga susunod na linggo.
Hahawakan ni Thai mentor Tai Bundit ang koponan.
Si Bundit din ang head coach ng Ateneo Lady Eagles sa UAAP.
Magsisilbing assistant coach si Oliver Almandro at si Sherwin Malonzo bilang team manager.
Nauna nang naglaro si Valdez para sa Bali Pure Water Defenders kasunod ang pagsama sa Bureau of Customs.
Kasalukuyang nasa bansa si Valdez na lumahok sa national team tryout na ginanap sa Davao kasabay ng pakikipagkasundo sa Cool Smashers. (CCo)
- Latest