‘Dream match’ ikinasa ng Ateneo
Sasagupa sa La Salle sa UAAP Finals
MANILA, Philippines – Hinubaran ng korona ng Ateneo ang Far Eastern University sa pamamagitan ng pahirapang 69-68 overtime win upang umusad sa finals ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.
Dinagit ni Isaac Go ang bukod tanging field goal sa extra period upang hatakin ang Blue Eagles sa panalo.
Tumapos si Go bitbit ang double-double na 12 puntos at 14 rebounds sa kabila ng pagdurugo ng kanyang ilong na nakuha nito sa huling 3:40 minuto ng laro.
“We weathered the fourth quarter storm of FEU. Our guards did a good job against Monbert Arong. It is tough to stop and I Was really proud of the boys. We knew that we had to defend in order to get the win. We ended up doing that,” pahayag ni Blue Eagles mentor Tab Baldwin.
Nangibabaw para sa Eagles sina Thirdy Ravena at Mike Nieto na parehong tumipa ng 13 puntos habang nag-ambag din ng malalaking puntos sina Manuel Tolentino na may siyam na puntos at walong rebounds, John Wong na may walong puntos at Matt Nieto na may pitong markers.
Lamang ang Ateneo, 66-64 mula sa basket ni Ravena may isang minuto pa sa fourth quarter.
Subalit isang drive ang ang naipasok ni Ron Dennison ng FEU upang maitabla ang iskor sa 66-all para mauwi sa overtime ang bakbakan.
Sa extra period, lugmok din ang Tamaraws sa mga nalalabing segundo kung saan sinubukan rin ni Dennison na dalhin ang Tamaraws sa panalo ngunit bigo ito dahil ubos na ang oras nang maipasok nito ang basket.
“I don’t think anybody deserved to lose this game. They made the last shot, but half a second too late. We are just trying to get shots against their zone. We have a lineup that we believe in. It was a difficult to get our O-lineup versus zone,” ani Baldwin.
Nakakuha ang Tamaraw ng 15 puntos mula kay Monbert Arong gayundin ng 12 puntos at 12 boards si Raymar Jose, at 11 buhat kay Richard Escoto.
Naisaayos ng Ateneo ang dream match laban sa No. 1 La Salle na una nang umabante sa finals matapos igupo ang Adamson.
Samantala, nag-resign si Eric Altamirano bilang coach ng National University na tinapos ang season sa 5-9 kartada.
Taong 2011 ng hawakan ni Altamirano ang basketball program ng NU kung saan tinagpas nito ang 60-taong pagkauhaw ng Bulldogs sa titulo nang igupo ang FEU noong 2014 Finals.
AdMU 69 – Ravena 13, Nieto Mi 13, Go 12, Tolentino 9, Wong 8, Nieto Ma 7, Asistio 3, Verano 2, Black 2, Ikeh 0
FEU 68 – Arong 15, Jose 12, Escoto 11, Dennison 8, Inigo 7, Comboy 5, Orizu 4, Trinidad 4, Nunag 2, Tuffin 0.
Quarterscores: 15-20, 38-41, 53-49, 66-66, 69-68 .
- Latest