IGIC chessfest kasado na
MANILA, Philippines – Asahan na ang pagdagsa ng mga lahok sa Inter-Government Inter-Commercial Chess Championship na magbubukas sa Nov. 19 at 20 sa 22nd Floor Gallery Hall ng Makati City Hall.
Ang kompetisyon na unang ginawa noong 2011 ay sinusuportahan din ng Artillery Foundation of the Philippines Incorporation (AFPI). Ito ay bukas para sa lahat ng manlalaro mula sa ibat-ibang eskwelahan, government agencies, private corporations at national pool.
Inaanyahan din na sumali ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa torneo sa kategorya ng individual at team ng blitz at rapid chess events.
Tatanggap ang tatanghaling kampeon ng P120,000 at medalya naman para sa top board at individual players.
“Even grandmasters are welcome to play,” sabi ni Jayson Gonzales kahapon sa lingguhang PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Kasama ni Gonzales sina Col. Emmanuel Martin at Brig. Gen. Pedro Basbas (Ret) ng AFP.
Mahigit 40 teams ang inaasahang sasali sa torneo, ayon kay Gonzales, ang secretary-general ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Ang torneo ay magsisilbi ring final tuneup para sa darating na Philippine International Chess Championships na gaganapin sa Subic sa unang linggo ng Disyembre.
Si Lt. Gen. Arthur Tabaquero (Ret), ang chairman ng AFPI ay magbibigay ng welcome remarks sa opening ceremonies na dadaluhan din ni NCFP president Cong. Prospero Pichay.
- Latest