Sinong malambot
ANG isang tila paulit-ulit na paratang laban sa ating Presidente ay ang mistulang pagpalambot sa posisyon ng Pilipinas patungo sa Tsina. Lalo na kapag ang ating karapatan sa mga isla sa West Philippine Sea ang pinag-uusapan, para bang nanghihinayang ang marami na halos isuko na yata ng Presidente ang pinaghirapan nating Arbitral Award mula sa the Hague.
Ito lang katatapos na ASEAN, hindi pinalampas ng mga kritiko ang kawalan ng anunsyo ng samahan tungkol sa inaasal ng Tsina. Bakit daw hindi pangatawanan ng Pilipinas ang papel nito bilang tagapangulo ng summit upang maghayag ng mariing pagkaabala sa pagsakop ng Tsina sa mga pag-aaring hindi naman kanila.
Ang pakikipagsapalaran sa larangan ng international relations ay bagay na hindi madaling intindihin. Sa dami ng iba’t ibang konsiderasyon at interes na kailangang indahin, sino ang hindi mahihirapan na maninindigan.
Masasabi nga na karamihan ng mga naunang Presidente ay nagtakda ng sarili nilang pag-unawa sa kung ano ang interes ng Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea. Subalit hindi naman pareho lagi ang sitwasyong kinakaharap. Sa panahon lamang ni President Duterte naging ganitong ka-toxic ang paligid.
Kung kaya ang huli nitong hakbang, ito lang matapos ang ASEAN, na ipaglaban ang Philippine claim sa Pag-asa Island ay sadya namang nakapagbibigay pag-asa. Madaling pagdudahan ang motibasyon ng isang decision maker. Pero hindi mo laging malalaman kung ano ang batayan ng kanyang mga desisyon. Sa ipinamalas ni President Duterte, masasabi natin na huwag na sana maging madali na paghusgahan ang kanyang mga kilos dahil, sa huli, pinapatunayan niya na ang interes pa rin ng bansa ang laging mananaig sa kanya.
- Latest