^

PSN Palaro

La Salle, Ateneo agawan sa No. 1 spot

Chris Co - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines -  Paglalabanan ng nagdedepensang De La Salle University at Ateneo de Manila University ang top seeding sa Final Four sa huling araw ng eliminasyon ng UAAP Season 79 wo­men’s volleyball tournament ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Magpapang-abot ang mortal na magkaribal sa alas-4 ng hapon habang susubukan naman ng University of Santo Tomas na maipormalisa ang pag-entra sa Final Four sa pakikipagtipan nito sa National University sa alas-12 ng tanghali.

Magkasalo sa unahan ng standings ang Lady Spikers at Lady Eagles tangan ang parehong 11-2 baraha at pareho nang nakasisiguro ng twice-to-beat advantage.

Puwestuhan na lamang ang paglalabanan ng La Salle at Ateneo upang madetermina ang makakalaban ng bawat isa sa semis.

Ngunit inaasahang magiging pukpukan pa rin ang labanan dahil pride ang usapan sa tuwing nag­ha­harap ang La Salle at Ateneo.

Nais ng Lady Spikers na makaresbak sa kanilang tinamong 24-26, 24-26, 25-21, 17-25 kabiguan sa Lady Eagles sa first round.

Kaya naman aariba para sa Lady Spikers si last season’s Finals MVP Kim Kianna Dy na ilang araw ding nakapagpa­hi­nga matapos magtamo ng ankle sprain.

Makakatuwang ni Dy sina veteran setter Kim Fajardo, Majoy Baron, Tin Tiamzon, Desiree Cheng, Aduke Ogunsanya at libero Dawn Macandili.

Mamanduhan naman ni playmaker Jia Morado ang ratsada ng Lady E­agles kasama sina Jhoana Maraguinot, Michelle Mo­rente, Kat Tolentino at Bea de Leon.

“With La Salle, we need experience. Yung confidence ng bawat player kailangan namin this coming La Salle game para kahit sino pwedeng ipasok. Like us, I’m sure La Salle is also preparing for us. Nakailang game na rin kami, na-aral na namin ang isa’t isa. Bilog ang bola kung sino ang nagprepare, yun ang mananalo,” ani Morado.

“Mas nagiging confident na yung team as a whole. Yung madadala namin will be teamwork talaga kasi hindi kami nagre-rely sa isang tao lang. Yung all-around defense, blocking, offense namin dun kami umaasa,” dagdag nito.

Nakaantabay din sina Kim Gequillana at Ana Gopico na handang tumulong anumang oras silang hugutin ni Ateneo coach Tai Bundit.

Sa kabilang banda, isang panalo na lamang ang kailangan ng UST (8-5) para masiguro ang tiket sa Final Four kaya’t desidido sina Cherry Ann Rondina, EJ Laure, Ria Meneses, Chloe Cortez at Dimdim Pacres na ibuhos na ang lahat upang masiguro ang tiket sa semis.

Subalit daraan sa ma­tinding pagsubok ang UST dahil siguradong gigil din ang NU na makuha ang panalo upang makahirit ng playoff para sa huling siya sa Final Four.

Hahataw para sa Lady Bulldogs sina Jaja Santiago, Jorelle Singh, Risa Sato, Aiko Urdas at setter Jasmine Nabor.

Sa men’s division, sisikapin ng Ateneo na masungkit ang unang silya sa finals sa pagharap nito sa NU sa alas-8 ng umaga na susundan ng duwelo ng UST at FEU sa alas-10. 

vuukle comment

WO­MEN’S VOLLEYBALL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with