Meralco susuyuin ng MMDA
MANILA, Philippines - Makikipag-usap ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamunuan ng Manila Electric Company (MERALCO) para buksan ang ilang kalye na nasa hurisdiksiyon nila upang lumuwag sa trapik ang ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila tulad ng Julia Vargas St., patungong C5-Road.
Ayon kay MMDA General Manager Thomas “Tim” Orbos, hihintayin nila ang sagot ng MERALCO ukol dito.
Sinabi ni Orbos ang pagbubukas ng kalye kahit sa ilang pribadong kompanya ay parte ng aksiyon ng pamahalaan upang maresolbahan ang matinding trapik sa Metro Manila.
Kamakailan ay nakipag-usap na rin ang MMDA sa homeowners association ng Corinthian Garden hinggil sa kanilang hiling na buksan sa mga pribadong motorista ang ilan nilang mga kalye.
Kung saan pumayag naman ang naturang subdivision, subalit may mga kondisyones na inilatag ito sa MMDA para sa kapakanan ng kanilang seguridad.
Sinabi pa ni Orbos, kapag nabuksan ang ilang kalye sa MERALCO, kahit hindi na aniya buksan ang ilang kalye sa Corinthian Garden, dahil makakatulong aniya ito sa pagluwag ng trapik.
Nabatid, na naunang binuksan ng MMDA ang Camp Aguinaldo, Veterans Memorial Medical Center at Bonifacio Naval Station para maging alternatibong daanan ng mga pribadong motorista na makaiwas sa trapik.
- Latest