Ateneo, UP kampeon sa swimming
MANILA, Philippines - Naibulsa ng Ateneo de Manila University ang ikatlong sunod na kampeonato sa men’s division, habang nabawi ng University of the Philippines ang korona sa women’s class sa pagtatapos ng UAAP Season 79 swimming competitions kahapon sa Rizal Memorial Swimming Pool.
Sumandal ang Blue Eagles sa impresibong paglangoy ni MVP Aldo Batungbacal sa pagkolekta ng kabuuang 603 puntos para dagitin ang ikaapat na korona sa kabuuan.
Nagningning si Batungbacal sa huling araw ng bakbakan nang pagharian nito ang 1,500-meter freestyle (16:42.21) at 200-meter breaststroke (2:22.95) sa pamamagitan ng record-breaking performance.
Umariba rin para sa Blue Eagles si dating two-time men’s MVP Jessie Lacuna na umani ng limang individual gold medals at dalawang relay golds at si Axel Ngui na namayagpag naman sa 50-meter freestyle.
Pumangalawa ang De La Salle University na may 340 puntos kasunod ang UP (194).
Bigo ang Ateneo na mawalis ang seniors division matapos agawin ng UP ang titulo.
- Latest