Zamora, Altura ibinulsa ang President’s Trophy
MANILA, Philippines – Napasakamay nina Sean Terence Zamora at Kysha Marie Altura ang President’s Trophy matapos makakuha ng pinakamataas na FINA points sa 95th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 9th Sen. Nikki Coseteng Swimming Championships na ginanap sa Diliman College Swimming Pool sa Quezon City.
Nakuha ng reigning Male Swimming of the Year na si Zamora ang 602 puntos nang pagharian nito ang boys’ 15-over 100m freestyle sa bilis na 53.20 segundo.
Tinalo nito sina Philippine junior record holder Jerard Dominic Jacinto na nagtala ng 550 puntos sa boys’ 15-over 100m backstroke (59.71) at dating Palarong Pambansa gold medalist Gian Daniel Berino na may 548 puntos sa boys’ 15-over 100m backstroke (59.77).
Naglista naman ng 560 puntos si Altura sa girls’ 50m 100m butterfly sa bendisyon ng isang minuto at 6.77 segundo para ungusan sina Carmenrose Matabuena na may 553 puntos (girls’ 15-over 100m freestyle, 1:02.11) at Andrea Jheremy Pacheco na may 525 puntos (girls’ 15-over 50m freestyle, 28.79).
“Magandang venue itong FINA points para mas ma-challenge ang mga swimmers. Ginagawa na ito sa mga international competitions kaya naglagay din kami nito para pagdating sa international events, may idea na ang mga bata,” ani PSL President Susan Papa.
Sunod na aarangkada ang 96th PSL National Series - Summer Novice and Motivational Swimming Meet na gaganapin sa Hunyo 11 sa parehong venue.
Pakay ng PSL na makapili ng mga swimmers na ipadadala sa SICC Invitational Swimming Championship at SCC National Midget Meet na parehong gaganapin sa Singapore, sa Tokyo Fall Classic Invitational Swimming Championship sa Japan at sa Royal Bangkok Swimming Championship sa Thailand.
- Latest