PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Pag-amyenda sa juvenile law, suportado ng mga huwes

MANILA, Philippines - Sinuportahan ng mga huwes  na nakatalaga sa fa­mily courts ng Manila Regional Trial Court ang  panawagan ni  Manila Mayor Alfredo Lim na maamyendahan ang juvenile law, partikular na ang pagpapatupad ng  mas mababang edad  kung saan maaaring arestuhin ang  isang menor de edad.

Sa ginawang pakikipag­pulong ni Lim kasama ang ilang mga opisyal na kinabibilangan nina secretary to the mayor Rafaelito Garayblas, city administrator Jesus Mari Marzan, city legal officer Renato dela Cruz, City College of Manila president Atty. Solfia Arboladura at Manila-social welfare department chief Jay dela Fuente, sinabi ng mga huwes na plano nilang gumawa ng resolusyon bilang suporta sa adhikain ng alkalde.

Sinabi naman ni Judge Silverio Castillo ng  branch 48, ang lahat ng  anim na  huwes ay pabor na gawing siyam na taon  ang gulang ng  menor de edad na  maaring arestuhin kung saan dadalhin ang kanilang panukala sa   Kongreso at Senado.

Giit ni Lim, karamihan ngayon sa mga menor de edad ay  ginagawang  ha­nap buhay na lamang ang paggamit sa kanila ng mga sindikato.

Sinang-ayunan din ng mga huwes ang  pahayag ni Lim na karamihan sa   menor de edad  ay  iba na ang mentalidad at hindi na tulad ng dati na naliligaw lamang ng landas.

  • Follow Us: