PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Pinagbintangan ng biyenan: Mister tumalon sa footbridge, lasog

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi maka­ya­nang sakit ng damdamin nang pagbintangan ng kanyang biyenan na ibinenta nito ang kanyang camera, mas ginusto pa ng isang mister­ na magpatiwakal matapos tumalon mula sa itaas ng isang footbridge ka­hapon ng umaga sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot si Robert­ Relayo, 37, residente ng Bagong Barrio ng na­sabing lungsod, matapos mabasag ang bungo at magkalasug-lasog ang buto nito.

Ayon sa report ng Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga sa isang footbridge na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA, Bagong Barrio ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na unang nagka­sagutan ang biktima at ang kanyang biyenan nang pagbintangan ng huli ang una na nagbenta ng nawawala nilang digital camera.

Dahil dito, labis na dinamdam ng biktima ang sinabi ng kanyang biyenan kung saan ay magdamag itong nag­lasing at dahil nasa abroad ang asawa nito ay lalo lamang nakadama ng kalungkutan si Relayo.

Kahapon ng umaga ay nag­tungo ito sa footbridge sa Bagong Barrio at bigla na lamang tumayo sa railing habang nagsisigaw dahil na rin sa sobrang kalasingan.

Makalipas ang ilang saglit ay bigla na lamang tumalon ang biktima dahilan upang magkagulo ang mga bystander at motorista sa EDSA kung saan ay nagkikisay pa ang katawan ni Relayo pagbagsak sa kalsada.

  • Follow Us: