PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Suspek sa pagpatay sa maid tiklo

MANILA, Philippines - Isang 50-anyos na dating miyembro ng Philippine Army ang nadakip dahil sa pagpatay sa isang 39 anyos na housemaid sa Paco, Maynila kahapon ng umaga. Kasalukuyang nakapiit sa Manila Police District-Homicide Section ang suspek na si Antonio Gaspay, may-asawa, ng 1346 San Antonio St., Paco.

Naakusahan si Gaspay ng pananaksak at pagkakapaslang sa dati niyang live-in partner na si Gina Cadellero (unang iniulat na Gina Gaspay), 39, biyuda, at stay-in housemaid sa among si Erwin Reodique, sa 1358 San Antonio.

Nadakip ang suspek nang mamataan ng kaanak ng amo ng biktima sa isang tindahan sa Canonigo St., San Antonio dakong alas-6 ng umaga kahapon.

Sa naging salaysay ng saksi na si Maricel Sabanal, 19, pamangkin ng biktima, kabababa lamang nila mula sa isang pampasaherong bus sa Quirino Avenue at habang naglalakad sila patungo sa bahay ng kanilang amo (Reodique) ay sumulpot ang galit na galit na suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima.

Matapos ang pananaksak, tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod ng kanyang pamang­kin sa Ospital ng Maynila subalit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng saksak sa katawan.

Ayon pa kay Sabanal, galit ang suspek sa biktima dahil ayaw nang makipagbalikan ng kaniyang tiyahin sa suspek dahil sa madalas na pananakit sa tuwing uuwi sa kanilang lovenest.

Dahil umano sa may pinagseselosan kaya na­gawang patayin ng suspek ang biktima sa pa­ngambang mapunta sa ibang lalaki. (Ludy Bermudo)

  • Follow Us: