PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Psycho test sa mga sundalo, iniutos

Ipinag-utos kahapon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagpapalakas pa ng pag­sasagawa ng psy­chia­tric test at stress de­briefing sa mga sunda­long sumasabak sa battle zone area sa buong bahagi ng bansa.

Ang hakbang ay isina­gawa matapos na ma­alarma si Teodoro ka­sunod ng nangyaring pamamaril ni Army Sgt. Elias Tial noong Miyer­kules ng gabi sa bar­racks ng Special Forces Com­pany (SFC) sa Fort Boni­facio na ikinasawi ng tatlo nitong opisyal.

Kasabay nito, tiniyak ng Kalihim na mananagot sa batas si Tial sa pag­ka­­ka­patay sa mga bikti­mang sina Capt. Dionillo Aragon Jr., 1st Lt. Gerald Fuentes, at Master Ser­geant Eliseo de la Cruz , Jr.

Sa nasabing insiden­te ay malubha namang nasugatan si Captain Benito Ramos Jr., Com­manding Officer ng SFC na patuloy na nilalapatan ng lunas sa Makati Me­dical Center.

Sa panayam, sinabi naman ni Army Spokes­man Lt. Col. Romeo Brawner Jr., na nagbigay na ng direktiba si Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado na unahin sa psy­chological test at stress debriefing ang mga sun­dalong walang puknat ang pagsabak sa giyera partikular na ang mga naka­destino sa mga tina­guriang ‘combat zone’ sa Mindanao Region .

Sa inisyal na imbesti­gasyon, nabatid na na­bur­yong si Tial matapos pagsabihan ng kaniyang mga superior na mag-file muna ng leave bago umuwi sa Iloilo para du­malo sa burol ng ama nito na namatay noong Peb­rero 21.

Kaugnay naman ng pagtugis kay Tial, sinabi ni Brawner na nabigo silang maaresto ito ka­ma­kalawa ng gabi da­hil hindi na ito inabutan ng tracking team sa lugar na kaniyang pinagtataguan sa isang bahay sa kaha­baan ng C-5 sa Taguig.

Magugunita na noong April 24, 2008 ay nag-suicide si Army Colonel Roberto Caldeo matapos na magbaril sa sentido sa kaniyang quarters sa Fort Bonifacio kung saan lumitaw sa imbestigas­yon na sinisisi nito ang sarili sa pagkamatay ng marami sa kanyang mga tauhan sa engkuwentro sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Puno Mohadji sa Isabela, Basilan no­ong 2000. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)

  • Follow Us: