PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Cedula syndicate sa city hall nabuko: 3 arestado

Pinaaresto ni City Per­sonnel Chief at Manila Deputy Mayor Joey Silva ang tatlong kawani ng Manila City hall makaraang matuklasan ang sindikato nito at panloloko ng ce­dula sa kasagsagan ng bayaran ng buwis noong Biyernes.

Kasabay nito, sinabi ni Silva na posibleng ma­sibak sa trabaho bukod pa sa pagkakakulong ang tatlong suspect na sina Ronaldo C. dela Cruz, Ro­sa­linda T. Amos at Maricar C. Cruz.

Ang tatlong nabanggit ay pinaniniwalaang miyem­bro ng mas malaki pang sindikato sa loob mismo ng city hall at pare-parehong kawani ng City Treasurer’s Office at may mga ka­tayuan bilang clerk I, mga casual at job order em­ployees.

Lumilitaw naman sa im­bestigasyon na nabu­king ang modus operandi ng mga suspect nang hindi magbalik ng sukli ang mga ito na nagkakahalaga ng P78. Ito ay mula sa P3,500 na ibinayad ng biktimang si Marjorie Ma na nagba­yad ng kanyang commu­nity tax para sa kaniyang establisimyento na Happy Inn na nasa P. Paterno St., Quiapo, Manila.

Lumilitaw na nilapitan ni Ma ang kanyang kaibi­gan na si Rodolfo Taruc upang mapadali ang kan­yang pagbabayad. Ibina­yad naman ni Taruc ang perang pambayad ni Ma sa mga suspect na nag­bigay ng dalawang com­munity tax certificate na nagkakahalaga ng P1,773 at P1,649. Nang hingin ang sukli ay walang maibigay ang mga suspect at nag­turuan na hanggang sa lapitan ni Taruc ang ka­nilang hepe at ipatawag ang tatlong suspect.

Dito ay nagkabukingan na ang tatlo kung saan lumilitaw na hindi pala inilalagay ng mga suspek ang tunay na halaga na ibinabayad ng mga tax payers sa kanilang cedula. Sa ikatlong kopya ng ce­dula ay lumilitaw na P150 ang naibayad ni Ma at hindi ang kabuuang halaga na P1,773 at P1,649.

Tanging sa duplicate lamang lumilitaw ang tunay na halaga habang sa tri­plicate ay mas mababang halaga ang inilalagay ng mga ito.

Nabatid na ang mas mababang halaga rin ang siyang nire-remit ng mga suspect sa city treas­urer kung kaya’t maging ang tanggapan ay nali­linlang ng mga ito.

Kasong paglabag sa Graft and Corrupt Prac­tices Act at Malversation thru Falcifications of Public Documents ang kinaka­harap ng tatalong suspect. (Doris Franche)

  • Follow Us: