Paras lumipat sa Cal State University
MANILA, Philippines - Pormal nang inihayag ni Kobe Paras ang paglipat nito sa Cal State University Northridge na isa ring National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division 1 school gaya ng kanyang dating koponan na Creighton Bluejays.
Nakipag-usap na si Paras sa pamunuan ng Matadors na agad nitong isiniwalat sa kanyang Twitter account.
“ am happy to say that I have verbally committed to play at Cal State University Northridge. Can’t wait to be back on the court playing,” pahayag ni Kobe na anak ni two-time Philippine Basketball Association (PBA) Most Valuable Player Benjie Paras.
Mayroon lamang averages na 1.3 points at 1.0 rebound sa 4.7 minutong playing time si Paras sa kanyang paglalaro para sa Bluejays sa katatapos lang na NCAA season.
Kaya naman inaasahang magkakaroon ito ng sapat na playing time sa Matadors upang tulungan ang kanyang koponan na mapaganda ang 11-19 rekord sa Big West Conference.
Gayunpaman, kinakailangan muna ni Paras na sumailalim sa one-year residency bago makapaglaro sa Matadors sa NCAA.
Hahawakan ang Matadors ni dating NBA player Reggie Theus na siyang gagabay sa 6-foot-6 Pinoy cager sa buong panahon ng kanyang collegiate career sa Cal State Northridge.
Si Paras ay two-time Slam Dunk champion sa FIBA 3x3 U18 World Championship noong 2013 sa Jakarta, Indonesia at noong 2015 sa Debrecen, Hungary.
- Latest