Mag-asawa timbog sa pagbebenta ng fake documents
MANILA, Philippines - Timbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang empleyado ng Office of the Civil Defense (OCD) at kaniyang maybahay sa pagbebenta ng mga pekeng identification card (ID) ng NBI, permit to carry firearms, mission orders at baril, sa isang entrapment operation sa Quezon City, kamakalawa
Nakilala ang mga nadakip na sina Solomon Viloria, watchman sa OCD at misis na si Shirley Viloria .
Sinabi ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin, na dinakip ang dalawa matapos makatanggap ng intelligence information hinggil sa isang lalaking nagpapakilalang intel agent ng NBI-Counter Terrorism Division at nagbebenta ng baril, NBI ID, Mission Order at Permit to Possess and Carry Firearms sa halagang P10-libo hanggang P15-libo.
Dahil dito, ikinasa ang entrapment laban sa suspek na si Solomon at nagpanggap na buyer ang tauhan mismo ng Counter Terrorism Division.
Napagkasunduan ng poseur-buyer at ng suspek na magkita sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue.
Dinakip si Solomon at ang kaniyang misis na aktong ibinebenta na ang pekeng NBI ID, Mission Order at Permit to Possess and Carry Firearms sa NBI agent.
Nakumpiska mula sa mag-asawa ang pekeng mga NBI ID, NBI document, NBI badge pati na rin ang ibinebenta nilang loose firearm na isang kalibre 45 pistola.
Ang mag-asawang Viloria ay isasailalim sa inquest proceedings para sa mga reklamong Usurpation Of Authority, Falsification Of Documents at Illegal Possession Of Firearms.
- Latest