PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

UP stude sugatan sa holdap

MANILA, Philippines - Isang estudyante ng University of the Philippines ang na­sugatan makaraang pagsasaksakin ng holdaper sa may parking lot nito, ayon sa ulat kahapon. Ayon sa Anonas Police Station 9 ng Quezon City Police, masuwerteng nakaligtas sa matinding pinsala ang biktimang si Jacklyn Nicole Cua, 21, na nagtamo lamang ng saksak sa kanang braso at kaliwang kamay, makaraang mailagan ang mga unday ng saksak ng suspect na si Matthew Honrada, 27. Si Honrada ay agad namang naaresto ng mga rumespon­deng guwardiya ng campus at dinala sa himpilan ng pulisya.

Ayon kay SPO1 Manuel Carranza, nangyari ang insidente sa parking area sa pagitan ng UP College of Business Adminis­tration Building at Vinzons Hall Guerrero St., College of Economics, dakong alas-9:00 ng umaga.

Sinasabing kabababa pa lamang ng bikima sa kanyang sa­sakyan nang lapitan ng suspect at nagtanong kung saan ang daan patungo sa College of Arts and Science na itinuro naman ng una. Matapos ito, biglang nagbunot ng patalim ang suspect saka inundayan ng saksak ang biktima pero nagmintis, matapos masalag ng huli. Dito na nagawang mahablot ng suspect ang bag ng biktima at nagtatakbo papalayo sa lugar. Agad namang nagsisigaw ng saklolo ang biktima na nagbigay atensyon sa security guard sa campus at hinabol ang suspect hanggang sa maaresto.

Narekober sa suspect ang bag ng biktima na naglalaman ng wallet na may lamang P1,800; isang pencil case; scientific calculator P1,200; at iba pang personal na gamit.

  • Follow Us: