Korean-American timbog sa 140 piraso ng Ecstasy
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang Korean-American national matapos itong maaresto ng mga operatiba ng PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagkakasamsam ng 140 tableta ng Ecstasy sa operasyon sa Pasay City nitong Miyerkules ng gabi.
Sa press conference sa Camp Crame, kinilala ni PNP-DEG Director P/Sr. Supt. Graciano Mijares ang nasakoteng suspect na si Jun No, alyas Justine, isang Ame-rican citizen na may dugong Koreano.
Bandang alas-9:20 ng gabi nang masakote ang suspect ng pinagsanib na elemento ng PNP-DEG at ng Special Enforcement Service (SES) ng PDEA sa parking lot sa kahabaan ng Seaside Boulevard, MOA Complex sa lungsod ng Pasay.
Sinabi ni Mijares, nasamsam mula sa suspect ang 140 tableta ng designer drug Ecstasy , isang uri ng ipinagbabawal na gamot.
“He could be a part of a bigger group as to HVT ( High Value Target ) he is a foreign national yung volume ng distribution niya can be bigger from what we have confiscated”, ani Mijares na inaalam na rin kung kasama sa Korean mafia ang suspect.
Ayon kay Mijares, kasalukuyan na nilang inaalam kung sinu-sino ang mga posibleng kasabwat sa sindikato ng nasabing dayuhan.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs/and or Controlled Precursors and Essential Chemicals ) at Republic Act 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002.
- Latest