Cignal wawalisin ang Racal para sa korona ng D-League
MANILA, Philippines - Susubukan ng Cignal-San Beda na pormal nang masungkit ang korona sa pakikipagtuos sa Racal sa Game Two ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three championship series ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Hawkeyes at Tile Masters sa alas-4 ng hapon matapos ang awarding ceremony sa alas-3:45.
Kumapit ang Cignal sa 1-0 bentahe sa serye matapos kubrahin ang 93-85 panalo sa Game One noong Huwebes para makalapit sa inaasam na korona.
Subalit alam ni Hawkeyes mentor Boyet Fernandez na kinakailangan munang magbanat ng buto ang kanyang mga bataan bago makamit ang minimithing kampeonato.
“Racal is a team capable of coming back. If you give Racal that kind of defense we had in fourth quarter, then we have a problem,” ani Fernandez na naghahangad makuha ang ikapitong titulo bilang coach sa liga.
Dobleng pag-iingat kasabay ng matinding depensa ang inaasahang ilalatag ng Hawkeyes upang pigilan ang Tile Masters na tiyak na magbubuhos ng malakas na puwersa upang makahirit ng ‘rubber match’.
- Latest