^

PSN Opinyon

Duterte nanatiling nakatapak ang mga paa sa lupa

DURIAN SHAKE - Pilipino Star Ngayon

Alam ko mahirap itong tanggapin o paniwalaan man ng mga nakakarami. Dahil nga sa talas ng kanyang dila na walang sinasanto mapa-Santo Papa man o kesehodang si Barack Obama o ang European Union at United Nations. Wala siyang pakialam sasabihin at sasabihin niya kung ano ang saloobin. 

Kadalasan ay nabubura na ang demarcation line sa kung ano ang pang-local consumption at kung ano ang kabilang panig sa diplomasya sa ibang bansa. 

Patayin ang kanyang bukambibig, P.....I.. naman ang kanyang paboritong salita lalo na kung siya’y puno ng galit. Ganun siya. Eh, hinalal naman siya ng may 16 milyong Pilipino noong May 9, 2016 elections. 

Ngunit tahasan kong sasabihing na kahit ganun karumi at kabastos ang bunganga niya, sa may siyam na buwan nang na­ging Presidente ng bansa si Mayor Rodrigo Roa Duterte, nanatiling nakatapak ang kanyang mga paa sa lupa. 

Paano? Ito ay dahil sa simula nang kanyang inauguration noong Hunyo 30, 2016, at sa kauna-unahang pagkakataong pumasok siya ng Malacañang at nanumpang Presidente, eh, wala pang weekend na hindi siya umuuwi ng Davao City na kung saan siya naging mayor sa may higit 23 taon at tig-isang term bilang vice mayor at first district Representative. 

Talagang umuwi si Duterte dito sa Davao City tuwing weekend. Nandito kasi ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang 10 apo na labis niyang kinagigiliwan. 

Ganito kasi ‘yon--- sa kanyang pag-uwi rito tuwing weekend iisa lang ang ibig sabihin noon -- ang tingin niya sa Palasyo ng Malacañang na seat of power ng ating bansa ay talagang trabaho lang. Pure work at serbisyo sa bayan.

Ang kapangyarihan o power ay hindi pumasok sa ulo o it did not really get into Duterte’s head kahit ganun siya katapang kung pumorma o magsalita. 

Kasi kung naging lulong si Duterte sa “trappings of the presidency” o sa tinatawag na luho ng kapangyarihan, eh hindi na sana siya uuwi ng Davao City at mananatili na lang siyang nakaluklok sa Bahay Pagbabago at kung anu-ano na lang ang gagawin niya sa loob ng Palasyo. 

Mas gusto pa nga niyang tawaging People’s Palace ang Malacañang dahil nga sinabi niyang ito ay pag-aari ng mga tao, ng mga mamamayang Pilipino.

Eh, kaso hindi eh. Ang tingin talaga niya sa Malacañang ay trabaho at serbisyo sa mamamayan. Lumilipad siya pabalik ng Maynila tuwing simula ng linggo upang magtrabaho.

Kahit naman nandito siya sa Davao City ay panay naman trabaho niya, meeting left and right sa kung anong grupo o foreign dignitaries na gusto siyang kausapin. Dinala pa nga niya si Japanese Prime Minister Shinzu Abe sa bahay niya. 

At hindi rin yan siya mapakali tuwing nandito siya sa Davao City dahil lumilipad din siya sa ibang probinsiya o karatig na rehiyon upang mabisita niya ang mga mamamayan sa kanayunan. Busy din siya sa pagsigurong madalaw niya ang lahat ng military camps at police headquarters sa bansa. 

Kaya nga sinabi kong nanatiling nakatapak ang mga paa ni Duterte sa lupa dahil ‘yung aktong pag-uwi niya rito sa Davao City  at ang  hindi pamamalagi sa Palasyo ay ibig sabihin puwede niyang bitawan ang kapangyarihan sa anumang oras at wala siyang balak na mananatili sa kapangyarihan sa mahabang panahon. 

Alam n’yo bang sa tuwing nandito siya sa Davao City ay parang wala lang -- hindi siya nag-dedemand sa mga Davaoeños na kailangang bigyan siya ng attention. Parang dating gawi lang din si Duterte, parang mayor pa rin ang turing ng mga Davaoeño sa kanya. Hindi siya nagbago.

At kapansin-pansin din ang pamilya ng Presidente --- ang kanyang mga anak na sina Mayor Sara Duterte-Carpio, Vice Mayor Paolo, si Sebastian o “Baste” at maging si Veronica o si “Kitty” ay hindi rin sila nasisilaw sa sinasabing “trappings of presidency”.

Nandiyan lang ang kanyang mga anak sa tabi at mas gustuhin pa nga nilang mananatili dito sa Davao City kesa mamamalagi sa Malacañang. Hindi naging ugali ng kanyang mga anak na pumuntang Malacañang at maghari-harian doon. 

Sa may higit 25 years na kino-cover ko si President Duterte, kilala ko na rin siya kahit paano. 

Sa loob ng mahabang panahon na ‘yon ni minsan hindi ko siya narinig na tinawag ako sa aking first name na “Edith”. Ang tawag niya sa akin ay “Regalado”, “Regalado”. At sanay ako sa aming biruan pagsinabi niyang “Goddamnit Regalado”, sinasagot ko rin siya ng “Goddamnit Duterte”. Wala rin akong pakialam kung magalit siya. 

At alam na alam kong ngayong darating na Martes, Marso 28, ay muli siyang magtatago  at iiwasan niya ang madla sa kanyang kaarawan. Parati siyang ganun. 

Ngunit hindi ibig sabihin nito na iniiwasan niya ang kanyang tungkulin bilang Presidente ng bansa.

“Ganon lang ang buhay, Regalado. That’s what life is all about, honoring one’s commitment to your fellowmen,” siya na rin ang may sabi, mapakaraniwang araw man o kaarawan niya.

 

 

 

vuukle comment

DUTERTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with