604 sasakyan nabawi sa rent sangla scam
MANILA, Philippines - Nabawi ng mga elemento ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang nasa 604 sasakyan sa rent sangla scam syndicate sa serye ng operasyon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay P/Sr. Inspector Jem Delantes, Spokesperson ng PNP-HPG, sa ngayon umaabot na sa 604 na mga sasakyan ang kanilang narerekober mula sa naitalang 1,800 na mga sasakyan nabiktima ng sindikato.
Sinabi ni Delantes na karamihan dito ay narekober sa Region IV A at National Capital Region (NCR) kabilang ang 15 behikulo na narekober nitong nakalipas na linggo sa Quezon City.
Sa kabuuang 604 nabawing mga behikulo ay nasa 340 na mga sasakyan na lamang umano ang natitira sa kanilang kostudiya kung saan mahigit 200 sa mga ito ang naibalik na sa mga registered owners.
Inirekomenda na rin ng PNP-HPG na maimbestigahan ang mga bank employees na nag-asikaso sa mga papeles ng mga suspek para mabilis na maaprubahan ang mga car loans ng mga ito.
- Latest