De Lima ‘di nakaporma sa SC
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Supreme Court ang hiling na temporary restraining order (TRO) ng kampo ni Sen. Leila De Lima kaugnay sa umano’y ilegal na paghuli at pagditine sa kanya sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Subalit, inatasan ng Supreme Court (SC) ang panig ng pamahalaan na magkomento sa isinampang petition ng senadora na humihiling na mapawalang bisa o maharang ang ipinalabas na kautusan ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) branch 204 Judge Juanita Guerrero.
Binigyan ng SC ang pamahalaan na siyang tumatayong respondent sa petition ni De Lima ng 10 araw lamang o hanggang March 10 para maihain ang kanilang komento at itinakda ng SC ang isang oral argument sa darating na Marso 14.
Magugunita na noong Lunes inihain ng kampo ni De Lima ang petition for certiorari and prohibition with application for a writ of preliminary injunction at urgent prayer for temporary restraining at status quo ante orders na kumukwestiyon sa hurisdiksiyon ng Muntinlupa RTC Branch 204 sa paghawak ng drug charges laban sa senadora.
Iniutos ni Judge Guerrero ang pag-aresto kay De Lima matapos makitang may makitang probable cause sa paglabag nito sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest