^

PSN Opinyon

‘EDSA ’17 sa Camp Aguinaldo’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Sanay ang mga pilipino na isagawa ang paggunita ng EDSA People Power Revolution sa EDSA shrine ngunit ngayong taon sa Camp Aguinaldo sa Quezon City ito ipagdiriwang.

Mas simple ang piniling paggunita ng Malaca?ang pero iginiit na hindi naman nababawasan ang kahulugan at pagpapahalaga nito sa makasaysayang pangyayari sa bansa.

Katulad din daw ito nung nakaraang mga pagdiriwang ngunit sinimplehan nga lang ngayong taon.

Kadalasan ang pagdiriwang na ito ay pinangungunahan ng Chief Executive pero ngayong taon hindi sigurado kung dadalo ba si Presidente Rodrigo Duterte sa Pebrero 25, 2017.

Kilala sa buong mundo ang tahimik at mapayapang pagpoprotesta nung nakaupo pa si dating Presidente Ferdinand Marcos. Pinangunahan ito ng mga madre, pari at ni dating Presidente Corazon Aquino.

Inimbitahan sa pagdiriwang si dating Presidente Noynoy Aquino ngunit hindi pa nagsasabi kung darating ito.

May ilang pagbabago din sa pagdiriwang ngayong taon. Maliban sa simpleng selebrasyon ay tinanggal din ang ‘Salubungan’ o yung pagsasadula ng pagkakaisa ng iba’t-ibang grupo para mapatalsik sa panunungkulan si Marcos.

Sa Camp Aguinaldo nila napiling isagawa ang programa dahil doon naman daw talaga ito nagsimula kung saan nagbitiw sa posisyon sina Defense Minister Juan Ponce Enrile at noo’y Philippine Constabulary Chief Fidel Ramos bilang miyembro ng gabinete ni Marcos.

Huwag daw ikumpara ang selebrasyon nung nakaraang taon dahil ika-30 taong anibersaryo ito at isang milestone. Ikinumpara nila sa pagdiriwang ng 18th birthday ng isang babae.

Pag nagdiwang ka ng ikalabing siyam na taon ay hindi na ganun kagarbo pero hindi ibig sabihin na hindi ito mahalaga o walang masyadong kabuluhan.

Naglaan ang palasyo ng isang milyong piso para sa paghahanda sa selebrasyong ito.

Ang tema ngayong taon ay ‘A Day of Reflection: People Power from Nation Building’.

Nilinaw din ng Palasyo na ang pagpili ng simpleng selebrasyon ay walang kinalaman sa ugnayan ng Presidente at ng mga Marcos pati na rin sa pagkakalibing sa dating Presidente Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sasabayan naman ni San Fernando, Pampanga Archbishop Emeritus Aniceto ng ‘Walk of Life’ ang pagdiriwang na ito.

Pagdidiin niya ang buhay ay napakahalagang regalo na kaloob ng Diyos.

Hayagan namang sinasabi ng Simbahan na hindi sila kaisa ng Presidente sa balak nitong pagbabalik sa ‘death penalty’.

Nagbigay din naman ng opinyon niya si Vice President Leni Robredo at sinabing mas karapat-dapat na bigyan ng paggunita na mas higit pa sa simple ngayong taon ang EDSA People Power.

Ang kasaysayan natin ang nagsasabi na ang pagpoprotestang ito ang nakapagpabagsak kay Marcos na pinaniniwalaang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan ang kanyang pamumuno dahil sa ‘Martial law’.

Kung sakaling hindi dadalo si Presidente Duterte ay hindi naman ito ang kauna-unahang wala ang Presidente dahil nung taong 2008 ay hindi rin dumalo si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi rin unang beses na ilipat ang venue ng paggunitang ito dahil  taong 2014 nang sa Cebu ipagdiwang ni Presidente Noynoy Aquino ang anibersaryo ng EDSA Revolution.

Binanggit din ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella “it’s time to move on from just celebrating the past and remembering the past.”

Marami ring uri ng paghahanda sa iba’t-ibang lugar ng bansa para sa paggunita sa mapayapang rebolusyong ito. May ilang magpoprotesta sa pagkakalibing kay dating Presidente Marcos kahit pa sabihin ng iba na ihiwalay ito sa pagdiriwang.

Sinabi ni Executive Secretary Maynard Guevarra na hahayaan nila ang mga protestang ito hanggat sa sumusunod sila sa mga panuntunin.

Ito daw ang kalayaan na gustong ibigay sa atin ng EDSA Revolution. Lahat ng karapatan tulad ng pagpapahayag ng sarili, kalayaang magsagawa ng rally, kalayaan na magsama-sama at magpahayag ng kanya-kanyang opinyon at sentimento.

Para namang niliitan ninyo ang pagdiriwang ng People Power na dapat sa EDSA Shrine ginagawa.

Dinadaluhan ito ng mga pari at madre at ilan pang mga kababa­yan natin. Sa taong ito maaari ba itong mag-ugat ng mas malalim na banggaan mula sa Simbahang Katoliko at sa administrasyon?

May iringan na noon pa man ang dalawang ito dahil sa hindi pagkakasundo sa maraming isyu madadagdag pa ba ang pagdiriwang na ito?

Hindi mo rin naman pwedeng sabihin na mag-move on tayo sa pagdiriwang sa nakaraan at paggunita nito.

Tahimik ang ginawang pag-aaklas noon pero napababa nila ang pinakamakapangyarihang tao sa ating bansa.

Nanumbalik ang kalayaan ng bawat Pilipino matapos maalis sa pwesto si dating Presidente Marcos.

Hindi rin natin kinakailangan mag-move on mula sa nakaraan lalo na kung maganda naman ang naging resulta nito.

Pagbabalik-tanaw ito sa mga kagandahang naging resulta ng mapayapang rebolusyon.

Marahil ang isa rin sa dahilan kung bakit napili nilang sa Camp Aguinaldo ito ganapin ay para mas madali nilang ma-control ang mga taong dadalo dito.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451.

Sa mga gustong kausapin ako ng diretso maari kayong tumawag sa 710-3618.

Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

vuukle comment

EDSA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with