^

PSN Opinyon

‘Uuwing bungi’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

UMAALIS NG MALUSOG kumpleto pa ang ngipin ngunit pag-uwi ng bansa kahit sila’y nakangiti nakabakas naman sa kanilang katawan ang mga pasa at nabunging ngipin dahil sa pinagdaanang pamamaltrato.

“Hirap na sa trabaho ang misis ko wala pang binibigay na pagkain ang kanyang amo,” pahayag ni Froilan.

Taga Occidental Mindoro sina Froilan Ramintas. Sinubukang magtrabaho sa ibang bansa ng kanyang misis na si Leny Ramintas.

Kwento ni Froilan nagtitinda ng isda si Leny sa kanilang lugar at security guard naman ang kanyang trabaho. Sa kahirapan nagpasya si Leny na makipagsalaran sa ibang bansa.

May nakilala raw silang recruiter. Ang ahensya nito ay NRS Placement Inc.

Hinanapan siya ng employer at nang makahanap ng mapagtatrabahuhan ay nakaalis na siya ng bansa nung Setyembre 2016.

Ang naging amo niya ay si Princess Ghada Bent Mansour bin Abdullah al Saud.

“Maglilimang buwan na si Leny dun sa ibang bansa dalawang buwan lang ang natanggap niyang sahod,” pahayag ni Froilan.

Maliban pa sa reklamong ito ni Froilan ayon daw sa kanyang misis ay ubos na ang pera nito dahil pinambili ng pagkain.

Isang beses sa isang araw lang daw ito kung pakainin ng amo pero ang trabaho napakarami.

Namayat na si Leny at nanghihina na dahil kulang din sa pahinga. Kinuha din ng employer niya ang mga dokumento tulad ng visa at passport.

“Dalawang beses na ring nasaktan ang asawa ko ng amo niya. Natanggal na nga ang kanyang ngipin,” ayon kay Froilan.

Pinagseselosan daw kasi ng kanyang Madam itong si Leny maliban sa pananakit na ginagawa sa kanya.

Sinubukan na nilang lumapit sa ahensya ni Leny para makahingi ng saklolo pero puro pangako lang ang mga ito.

“Mahirap lang naman kami. Ilang beses na kaming lumuwas ng Maynila para lang makipag-usap sa kanila pero nangangako lang sila nang nangangako,” salaysay ni Froilan.

Ayon pa daw sa ahensya kukunin daw si Leny sa amo at papauwiin na ng Pilipinas.

Tinanong raw si Froilan ng ahensya kung ano ang gusto nila mapauwi ba o mailipat na lang ng employer. Sumagot si Froilan na ang misis na lamang niya ang tanungin dahil ito ang magdedesisyon.

Nagkasundo raw sila ng ahensya sa ganung usapan at naghintay siya ng progreso.

Dalawang buwan na ang nakakaraan mula nang magbitiw ng salita ang ahensya wala pa ring nangyayari.

Sa kagustuhang masaklolohan ang asawa nangutang nang nangutang si Froilan sa mga kakilala para ipamasahe papuntang Maynila.

Nagsadya siya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para ibalita ang nangyayari kay Leny.

Isang buwan na raw ang nakakaraan mula nang humingi siya ng tulong ngunit hanggang ngayon ay naghihintay pa siya ng magiging tugon ng mga ito.

“Napakalaki na ng naging utang ko sa kagustuhang maialis ang misis ko sa hirap ng ginagawa niya sa ibang bansa. Nagreklamo at humingi na ako ng tulong sa kung saan saan pero wala pa rin,” sabi ni Froilan.

Hindi daw alam ni Froilan kung gaano pa kahabang panahon ang paghihintay na kakailanganin niya bago matugunan ang inilalapit niyang problema.

Napag-alaman din ni Froilan na ‘suspended’ na ang NRS pero nitong buwan ay tuluy-tuloy pa din ang operasyon.

May napaalis pa daw ito nung Enero 17, 2017. May opisina daw ang mga ito na sa labas ay sarado ngunit sa likod ay may extension at dun nag o-operate.

Giit pa ni Froilan hindi din nasunod ang mga nakalagay sa kontratang pinirmahan ng kanyang asawa.

Pati cellphone nito ay kinuha ng amo kaya hindi siya makakontak sa kanyang pamilya.

“Nakakatawag lang siya kapag nakakahiram ng cell phone sa kakilala dun. Hindi siya binibigyan ng pagkakataon ng amo na makausap kami kaya dumidiskarte na lang siya ng tawag sa amin,” wika ni Froilan.

Alalang-alala na si Froilan sa asawa lalo pa’t pinagbibintangan daw ito ng mga bagay na hindi naman niya ginawa.

Kaya lang ito napilitang mangibang bansa para makaahon-ahon sa buhay para sa kanilang dalawang anak. Limang taong gulang ang pinakabata habang ang panganay naman ay walong taong gulang.

“Gusto kong humingi ng tulong na mapauwi ng bansa ang misis ko dahil nahihirapan siya sa trabaho dun at sinasaktan pa,” pahayag ni Froilan.

Kahit din naman sino manghihina kung puro lang trabaho at walang sapat na pagkain na ibinibigay.

Ayon pa kay Froilan ang misis niya ang masusunod kung gusto nitong umuwi o magpalipat na lamang ng employer. Ang tanging pinag-aalala niya lang naman ngayon ay ang kaligtasan nito sa kasalukuyang employer.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maraming mga OFW na kahit may mga balita nang may mga employer na nananakit sige pa din sila at ang tanging baon ay dasal na hindi sila matapat sa employer na nambubugbog.

Nakipag-ugnayan kami kay former DFA Undersecretary Rafael Seguis tungkkol sa problemang ito ni Froilan. Nakarating na ang aming kahilingan sa embahada sa Riyadh kay Consular General Iric Arribas.

Nakumpirma nga namin na ang ahensya ni Leny na NRS ay suspendido. Dapat at pinoproseso ang dokumento nito.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong mag-text sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

UUWING BUNGI

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with