^

PSN Opinyon

Ilang insidente pa ng ‘tokhang for ransom’?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

TURUAN, tanggihan, paliwanag. Ganito na ang luma­labas sa mga pulis na isinasangkot ngayon sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick-joo. Lumutang na rin si “Sir Dumlao” na tila tinutukoy na kausap umano ni SPO3 Ricky Sta. Isabel. Wala raw siyang kinalaman sa krimen. Wala raw siya sa CCTV, at lahat ay nagtuturo kay Sta. Isabel bilang pangunahing suspek sa karima-rimarim na krimen. Ganun pa man, ipinaaresto na ng korte sa Pampanga ang lahat ng sangkot sa krimen, partikular si Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, SPO4 Ramon Yalung at apat na iba pa. Inilipat na si Sta. Isabel sa PNP mula sa NBI, kung saan siya unang sumuko. Kakausapin daw siya ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa. Ano naman ang magagawa e naganap na ang krimen? Tulad nang inaasahan, may mga mabibigat na banta na naman si Dela Rosa sa mga pulis na tiwali, sabay pakita pa ng kanyang kamao.

Unti-unting nabubuo na ang mga kaganapan sa pagdukot at pagpatay kay Jee. Kawawa naman, lalo na ang kanyang asawa na ginawa ang lahat para maligtas ang kanyang mahal sa buhay. Ano nga naman ang kanilang ginawa para mangyari sa kanila ito? Ang pagkakamali nila ay nagtungo sila sa Pilipinas, kung saan may mga pulis na kriminal. Iyan ang kanilang pagkakamali. Dahil sa atensiyon na naging bunga ng krimen na ito, lumalabas na may ilang insidente ng “tokhang for ransom” na naganap nang maging mainit na ang kampanya ng PNP kontra iligal na droga. Lahat ganundin ang sitwasyon – magbigay ng pera kundi huhulihin at kakasuhan na sangkot sa iligal na droga. At ang mga biktima ay mga dayuhan din, karamihan mga taga-China. Hindi lang daw nagsalita sa takot. Mabuti na lang pala matapang ang asawa ni Jee. Dapat na bang itigil ang ‘‘Oplan Tokhang’’ na ito, na nagagamit lang ngayon sa krimen?

Lumalakas ang panawagan ngayon na magbitiw na si PNP Chief Gen. Dela Rosa, dahil wala na raw respeto sa kanya ang kanyang mga tauhan, at para hindi na malagay sa masamang sinag si Presidcnt Duterte. Sa Camp Crame mismo pinatay ang Koreano, patunay na walang katakut-takot ang mga kriminal na pulis kaninoman. Ang coach ang bumibitiw kapag hindi manalu-nalo ang kanyang koponan, hindi ba? Mas inaatupag daw ang showbiz ni Dela Rosa. Kumakanta, sumasayaw, nagbabakasyon sa US, nanonood ng concert, ipinakikita ang kanyang mascot at iba pa. Nasa YouTube pa nga ang karamihan niyan. Dapat matanto niya na hindi lang iligal na droga ang problema ng bansa. Mas mabigat na problema ang mga kriminal na pulis. Mas masamang kriminal ang marumi at mamamatay-tao na pulis. At dahil siya ang hepe, natural na siya ang hahanapan ng mga sagot at solusyon. Siya dapat ang nangunguna sa paglinis ng PNP.

vuukle comment

CCTV

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with