Kelot todas sa naka-bonnet na gunman
MANILA, Philippines – Isang walang trabahong lalaki ang patay makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaking nakasuot ng bonnet sa may Brgy. Bahay Toro, Quezon City, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktima na si Jonathan Morillo, alyas “Tata”, 37, ng Sitio Gaya-Gaya, Seminary Road, Project 8, Brgy. Bahay Toro, QC.
Isinalarawan naman ng isang testigo ang suspek sa taas na 5’5, nakasuot ng itim na jacket at bonnet, baseball cap at facemask.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Seminary Road, Sitio Bathala, Brgy. Bahay Toro, Project 8, QC dakong alas-8:00 ng gabi.
Kuwento ng isang testigo tinatahak niya ang pakurbang bahagi ng Seminary Road, nang marinig ang mga putok ng baril na nagmumula malapit sa kanyang lugar. Ilang sandali, biglang sumakay sa kanyang tricycle ang suspek at nagpahatid sa may Sitio Militar, Villa Socorro St., sa nasabing barangay.
Samantala, sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene narekober ang limang basyo ng kalibre .9mm, at isang plastic sachet ng shabu.
- Latest