Aso sa Germany, nagsilbing magulang sa 2 inabandonang baby tigers
ISANG aso sa Germany ang nagmistulang magulang para sa isang pares ng mga tigre na inabandona ng kanilang inahing tigre.
Tinutulungan ng asong si Leon ang kanyang among si Jeannette Wurms sa pagpapalaki sa dalawang Bengal tiger na ipinanganak noon lang isang buwan.
Sa hindi malamang kadahilanan ay itinakwil ang dalawa ng kanilang sariling ina na nasa zoo na malapit sa bayan ng Schloss Holte-Stukenbrock.
Nakakabilib si Leon dahil kahit lalaki ito ay inaaruga nito ang dalawang baby tiger na parang siya ang totoong ina ng mga ito.
Bukod sa pag-aalaga ay nililibang din daw ni Leon ang dalawang tigre.
Hindi raw ito ang unang beses na nag-alaga ng isang mabangis na hayop si Leon ayon kay Wurms dahil noong 2012 ay inalagaan din nito ang isang baby na white lion.
Malamang naman na hindi rin magtagal ang ginagawang pag-aalaga ni Leon sa mga tigre dahil magiging lubhang mapanganib na para sa aso kapag ang mga batang tigre ay nagsilakihan na.
- Latest