4 Pinoy cue masters pasok sa Last 16
MANILA, Philippines - Apat na Pinoy cue masters ang umusad sa Final 16 ng prestihiyosong 2017 World Pool Series - The Aramith Masters Championships na ginaganap sa Steinway Cafe Billiards sa Astoria Queens sa New York City.
Nagtala ng impresibong panalo sina Ramil Gallego, Carlo Biado, Jeffrey De Luna at Roberto Gomez upang masiguro ang puwesto sa susunod na yugto ng world series.
Naitakas ni Gallego ang 9-8 panalo laban kay Chris Melling ng Great Britain habang namayani naman si Biado kay Shaun Wilkie ng Amerika, 9-8 desisyon.
Kinailangan naman ni De Luna na patalsikin ang kababayang si Lee Vann Corteza sa iskor na 9-2 upang makahirit ng tiket sa Last 16 habang sumalo sa selebrasyon si Gomez na kumana ng 9-6 pananaig kay Jayson Shaw ng Great Britain.
“A lot of people know me from the World Pool Championship ten years ago in Manila. I was very young then and I didn’t know how to handle the pressure. But I’ve learned a lot since then and I am a much better player and can handle the pressure situations. I’m playing really good now so I think I can live up to my nickname, Superman,” ani Gomez.
Makakaharap ni Gallego sa susunod na yugto si dating world champion Ralf Soquet ng Germany samantalang haharap naman si Biado sa dating Philippine Open titlist na si Thorsten Hohmann ng Germany.
Sasagupain ni De Luna si Brandon Shuff ng Amerika kasunod ang pakikipagtuos ni Gomez kay Melling ng sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.
Ito ang ikalawang yugto ng World Pool Series.
Unang itinanghal ang Molinari Players’ Championship noong Enero. Idaraos naman ang ikatlong yugto na may temang Rack Classic Championship sa Hulyo 12 hanggang 16 habang ang Grand Finale na Predator World Series Championship ay gaganapin sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 1.
- Latest