Transport groups sasabayan din ng protesta ang SONA
MANILA, Philippines - Ikinasa ng mga drayber at maliliit na operators ng mga pampasaherong sasakyan sa pangunguna ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at Operators nationwide (PISTON) ang malawakang kilos-protesta sa ikalawang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan complex Quezon City sa bukas, araw ng Lunes.
Sa joint press conference na isinagawa ng PISTON at No To Jeepney Phaseout Coalition (NTJPOC), sama-sama nilang muling ipapahayag ang kanilang panawagan kay Pangulong Duterte na huwag ipatupad ang jeepney phaseout na ang ugat ay ang PUV modernization program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Hindi phase-out kundi rehabilitasyon ng mga kasalukuyang jeepneys ang dapat ipatupad at sa hinaharap ay tunay na modernisasyon ng jeepney public transport sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa local jeepney industry sa balangkas ng national industrialization. Huwad at negosyo ang modernisasyong gusto ng DOTr dahil ito ay massive importation ng napakamahal at overpriced na dayuhang sasakyang e-jeep, euro4, solar at hybrid na papatay sa local jeepney industry ng ating bansa.” ayon pa kay George San Mateo, national president ng PISTON at Convenor ng NTJPOC.
Igigiit din ni San Mateo sa chief executive na harangin at wag ipatupad ang Comprehensive Tax Reform Package Bill ng Kongreso na magreresulta lamang sa dagdag-pahirap sa mga drayber at mamamayan dahil ito ay magtutulak lamang sa malaking pagtaas sa presyo ng langis, bilihin at iba pang serbisyo.
- Latest