Outright semis slot abot kamay na ng Cignal
Umabante palapit sa automatic semifinals berth ang nangungunang Cignal-San Beda matapos tigbakin ang Jose Rizal University, 94-50 sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Arena sa Pasig kahapon.
Kumana ng 16 na puntos si Robert Bolick habang tumikada naman ng tig-11 puntos sina Benedict Adamos at Andreas Cahilig para pamunuan ang Cignal sa kanilang pang-pitong sunod na panalo.
Hindi na nakaporma pa ang Heavy Bombers matapos magpakawala ng 15-0 run ang Hawkeyes para simulan ang second quarter at lumamang sa 33-13.
“I’m happy with the way we played today. We just tried to limit Teodoro and Pontejos,” pahayag ni Cignal head coach Boyet Fernandez. “Hopefully we can get the top two spot in the semis.”
Nagawa naman ito ng Hawkeyes matapos malimitahan sa dalawang puntos si Teytey Teodoro, habang apat lamang ang naitala ni Paolo Pontejos, na minalas na magtamo ng injury sa kanyang kaliwang paa bago matapos ang first half na siyang nagtanggal sa kanya sa laro.
Kinakailangan na lamang maipanalo ng Cignal na ngayon ay may 7-1 na rekord ang kanilang huling laro laban sa Racal upang maging pormal ang kanilang pagpasok sa semifinals habang tabla naman ngayon ang JRU at Team Batangas sa 3-4.
Sa unang laro, uma-ngat ang Wangs Basketball matapos igupo ang walang panalong Blustar Detergent, 87-78.
Umiskor ng tig-18 puntos sina Cederick Labing-isa at John Tayongtong para pangunahan ang Couriers na buhayin ang kanilang tsansang umusad sa playoffs.
Bagama’t nakadepende sa mangyayari sa mga koponan na mas mataas sa kanila sa standings ang kanilang kapalaran, ikinatuwa ni Wangs head coach Pablo Lucas sa ipinakitang laro ng kanyang koponan.
“Maganda ‘yung nang-yari. Buhay pa ‘yung pag-asa sa playoffs,” ayon kay Lucas. “Magandang motivation sa kanila ‘yung bawal nang matalo kasi nagtatrabaho sila.” (FML)
- Latest