‘Laki sa Laway’
Paglaki sa kahirapan at simpleng buhay,
At sa pagsisikap ay ang pagtatagumpay!
Ang dumaan dito’y matatag at matibay
At lubos at higit kaalaman sa buhay.
Sa mga taong ito ako ay saludo,
Nagiging mas makulay kanyang mga kwento,
“Street smart” ‘ika nga… pwedeng santo, pwedeng loko!
Ehem, at kasama na rin d’yan Ang Poet N’yo!
Napabilang sa masa’t mga nakasama —
‘Yun bang may talim-kanto at kalsada,
Ngunit nag-aaral, masipag, tamang giya,
Sa kanyang pagtanda kahit saan uubra.
May puso’t pulso sa nakararami’t api,
Marunong makibagay sa may sinasabi
Kaya’t siguradong marunong bumalanse,
Pwede s’yang mabuhay sa tuyo man o karne.
‘Di kinahihiyang lumaki ‘ko sa ganyan,
‘Yun bang pakikisama ko lang ang puhunan,
Mahirap o mayaman bao’y kwento lamang,
LUMAKI ‘KO SA LAWAY! Hanggang ngayon naman!
Laki sa laway — bumabangka sa huntahan,
Sagot ko ba patawa sa mga umpukan,
Kung kaya nga sa pag-aanunsyo napuntahan —
Isang dosenang istasyon ang naupuan!
Hindi ko naman ninanais na husgahan —
May subong pilak na kutsara nang isilang,
Meron ding biniyayaan ng pakiramdam
Para sa ‘di kauri at mauunawaan.
At sa pagkakataong ito’y babalikan
Nang may ngiti’t pagmamalaki ang ilan,
Mga araw at ulan na tinawanan lang,
Tanggap lahat at walang pinanghinayangan.
‘Di naman kami lugmok sa kahirapan,
Natira nga sa pawid… nagka-yaya naman!
Si Yaya Lilia nga ako’y napabayaan
At muntik na ‘kong sa Ilog Pasig lumutang!
May parang beach pa nga kami sa katunayan,
Pero lata lang ng gatas aking laruan,
Nang inanod palayo at aking sinundan,
Nalunod si Joey na three years old pa lamang!
Napag-aral naman sa public school nga lamang,
Baon ko’y matamis na bao ang palaman
At naturalmente wala kaming sasakyan
At CADILLAKAD pa nun! Kung ngayon? WALKSVAGEN!
Kauna-unahang long pants ay wool pa mandin
At ni-repair lang kasi ‘yung sa Lolo namin!
Kahit ang kapal at init ay titiisin,
Masabi lang naka-largo’t naka-isputing!
Tatlong beses isang araw naman ang tsibugan,
May meryenda rin at may midnight snack kung minsan
Pagkat sa likod nami’y may Hot Pandesalan,
Panahon nang ito’y nag-uumpisa pa lang.
Nakakatikim lang ng litson pag pyestahan
At ‘yay kung mapuntahan ay isang mayaman,
Yelo nga nun ay luho pa nang inabutan
Kaya lamig ng tubig pa galing tapayan!
Nang nakayanan na pagtagal ng lukbutan,
Pinagsawaan na o kaya’y bawal naman!
O kaya’y lechon sa Europa pa titikman!
Parang rugby boys? Cocaine na pag yumaman?
Ngek! Tandang-tanda pa pag pork and beans ang ulam,
Nag-iisang pork siguradong akin na ‘yan!
Pag may nilagang baboy ay takam na takam…
Sa TABA! At ‘yan lang ang aking lalantakan!
Ngayon nama’y may konti pa ring “kababuyan”
Ngunit hanggang balat-balat at laman na lang,
Pero anak ng tupa wala na ngayon ‘yan!
Pagkat TUPA na nga type ko! Lamb chops Number One!
Imagine, lechon de leche at batang tupa
Noong araw ay akin lamang binabasa,
Ngunit ngayong kayang magsawa at gumasta,
Before you eat… babasa muna ng reseta!
Ang “Frigidaire” namin nun ay ice box pa lamang!
Coca-Cola tatak pero kinakalawang!
May sako, ipa’t palay pa yelo kung minsan
Upang hindi matunaw agad syempre naman!
And speaking of Coke, nabanggit na yata minsan
Na ito’y sine-serve sa mga bisita lang
At kaming mga bata para ‘to matikman,
Sa tira sa baso ng bisita… UNAHAN!
May paminggalan din sa natitirang ulam —
Proteksyon sa langaw at sa pusang kalaban!
Ang patuyuan ng plato ay banggerahan
Na pagdating sa hapon ay ubrang tulugan!
Hayyy… nakatutuwa rin na balik-balikan
Buhay noon na hubad pa sa karangyaan,
Tanong: Nais mo bang anak mo’y maranasan?
Ikwento mo na la’t baka ‘di makayanan!
- Latest
- Trending